Ulat ni David Clemente M. Alcala
Idinaos ang Best Beginnings in Breastfeeding class noong ika-26 ng Enero sa Continuing Education Center sa University of the Philippines Los Baños para sa mga pamilya upang mas matulungan ang mga ina sa kahalagahan ng breastfeeding o pagpapasuso sa kanilang mga sanggol.
Ang programang ito ay sinimulan ng LATCH Los Baños, isang organisasyon ng mga volunteer na naglalayong ipalaganap ang halaga at normalisasyon ng breastfeeding upang mas masanay ang mga ina sa paggawa nito. Pinangunahan ito nila Armi Anastacio-Baticados, Myla Audije-Gregorio, Vanessa Liwanag-Librero, at Zarah Manalo Rosuello.
Dumalo sa klase ang anim na pamilya, kung saan lima sa mga ina rito ay nagdadalang-tao pa lamang. Sinamahan ng mga ama ang kanilang asawa sa buong programa upang mas maliwanagan sila kung paano makiisa sa pag-aalaga ng kanilang mga sanggol na anak. Ayon sa kanila, ang breastfeeding ay isang mabisang paraan upang mas lumakas ang koneksyon ng pamilya sa isa’t isa.
Itinuro sa mga dumalo ang mga tamang gawain habang buntis pa ang ina, iba’t ibang impormasyon sa pag-aalaga ng sanggol, at ang tamang paraan ng pagpapasuso sa anak. Sinusuportahan ito ng isang module kung saan nakalagay na ang lahat ng kailangan nilang impormasyon sa pag aalaga ng sanggol na bata, ilang mensahe tungkol sa benepisyo ng pagpapasuso sa anak, at ilang mga ehersisyo para sa mas komportableng pamumuhay habang nagdadalang-tao.
Nagsimula ang LATCH Los Baños noong 2016. Ang LATCH ay nangangahulugan ng Lactation, Attachment, Training, and Counselling. Kadalasan silang nagsasagawa ng mga proyekto at programa upang mas palaganapin ang kahalagahan ng breastfeeding.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang kanilang Facebook page: https://www.facebook.com/LATCHLosBanos o https://www.facebook.com/LATCHPhilippines