nina Hanna Grace Acoyong at Francis Louie Palaspas
Patuloy ang pagsugpo ng mga doktor sa walang tigil na pagtaas ng kaso ng tigdas sa Pilipinas, matapos magdeklara ng outbreak ang Department of Health (DOH) sa ilang parte ng bansa, kabilang ang Metro Manila, Central Luzon, Western Visayas, Central Visayas, at CALABARZON.
Ayon sa ulat ng DOH, pumalo na sa 8,433 ang kaso ng tigdas ang naitala sa bansa at 136 dito ay nauwi sa pagkamatay. Ito ay isinisisi sa patuloy na pagtanggi ng mga tao sa pagpapabakuna dahil sa takot na idinulot ng isang Dengvaxia vaccine.
Samantala, iba ang naging sitwasyon sa Los Baños. Bagaman nagpalabas ng outbreak sa rehiyon, limang kumpirmadong kaso lamang ng tigdas ang naitala ng Los Baños Municipal Health Office (LBMHO) mula Disyembre noong nakaraang taon hanggang Pebrero 20, 2019.
Batay sa obserbasyon ng LBMHO, mula nang pumutok ang bilang ng kaso ng tigdas, kasabay nitong tumaas ang dami ng mga taong gustong magpabakuna. Ayon sa kanilang datos, halos 20-30 na tao na kabilang sa pangkat ng edad anim na buwan hanggang 59 buwan ang nababakunahan sa bawat outreach na isinasagawa sa iba’t ibang mga lugar sa bayan ng Los Baños.
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Alvin Isidro, Municipal Health Officer ng Los Baños, na kahit nagdala ang Dengvaxia ng hindi pagtitiwala sa mga bakuna, mas nagdulot ang measles outbreak ng pagkabahala sa mga tao hinggil sa mas malalang panganib na maaaring idulot ng sakit. Kung kaya’t ngayon, bumaling ang karamihan sa isang agarang solusyon sa pamamagitan ng pagpapaturok ng measles, mumps, at rubella (MMR) vaccine.
“Hindi na maaalis iyong takot sa issue ng Dengvaxia, pero dapat magpabakuna ng mga regular vaccines, iyong mga matagal nang proven. Ngayon, mas marami ang natatakot sa measles kahit mga eight years old at teenagers nagpapabakuna so binabakunahan na rin namin kasi wala namang masama.”
Dagdag pa ni Isidro, bago ang outbreak, ay nagpupunta na ang mga tao sa mga municipal health offices at barangay health centers para magpabakuna.
“Kahit noong nakaraan pa, sa Los Baños naman kasi ay receptive ang mga tao,” aniya.
Inabisuhan ng DOH ang mga institusyon na nangangalaga sa kalusugan na lakihan ang age brackets ng pagpapabakuna upang maabot ang optimal immunization rate na 95% para masigurado ang kabuuang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa sakit tulad ng tigdas.
Binigyang diin din ni Wilma Estacio, Disease Surveillance Officer ng Los Banos, ang kahalagahan ng pagpapabakuna at pagiging maalam tungkol sa sakit. “Worst is makakuha ng complications kaya namamatay. Kaya habang may lagnat mag pa-check-up na at huwag na maghintay ng araw.”
Sinabi rin nii Estacio na hindi dapat matakot ang publiko sa pagpapabakuna dahil noon pa man, napatunayan nang mabisa ang mga ito. “Hindi na siya bago unlike Dengvaxia. Magpabakuna na sila, dahil kapag hindi sila nagpabakuna at nagkaron sila, doon kakalat ang measles. Libre naman ito.”
Bagaman mababa ang kaso ng tigdas, ang health office ng Los Baños ay nananatiling alerto at tutok sa pagmamanman para maiwasan ang pagkalat ng sakit at masiguradong ligtas ang buong kumunidad.
Ang LBMHO at lokal na pamahalaan ng Los Baños ay patuloy sa mga programang pagpapabakuna ng mga residente ng kumunidad. Ang Main Health Center ng Los Baños ay nagbigay ng libreng bakuna laban sa tigdas mula Pebrero 18 hanggang Pebrero 28.