nina Aaron Paul M. Landicho at Aaron James L. Villapando
Sa papalapit na pagtatapos ng panuruang taon at pagsisimula ng bakasyon ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang sekundarya, higit na palalawigin ng lokal na pamahaan ng Los Baños Local ang kanilang mga programa ukol sa isports.
Ayon kay Geronimo T. Luna Jr, Municipal Sports Coordinator ng Bayan ng Los Baños, bukod sa taunang Interbarangay Basketball and Volleyball League na sinimulan nila noong 2013, muli rin nilang ibabalik ang baseball at softball sa liga ngayong taon.
“Isa ang bayan ng Los Baños sa mga bayan sa Laguna na kilala sa pagkakaroon ng mga mahuhusay na manlalaro ng baseball at softball noon ngunit dahil nagka-edad na ang ating mga atleta ay nawala tayo sa pagkakakilanlan. Ngayon, layon nating ibalik ang pagkilalang ito sa ating bayan sa pamamagitan ng pagtuklas sa mga bagong atleta na kakatawan sa ating bayan,” ani Luna
Ngayong Marso, ikakasa rin nila ang Los Baños Slow-pitch Softball Tournament na bukas para sa mga 35 taong gulang pataas at gaganapin sa softball field ng University of the Philippines Los Baños (UPLB).
Kaugnay nito, mayroon ng pitong koponan na nakapagpalista para sa nasabing torneyo.
Kabilang sa pitong koponan na ito ang dalawang koponan mula sa Brgy. Tuntungin-Putho, dalawa mula sa Brgy. Batong Malake, at isang koponan sa mga barangay ng Mayondon, San Antonio, at Malinta.
Bukod sa Interbarangay League, layon ring mailunsad ng Municipal Sports Development Office ang Rapid Chess Tournament sa mga pampublikong paaralan para sa mga mag-aaral sa elementarya, gayundin ay hinihimok rin nilang lumahok ang mga out-of-school youth.
Kasalukuyan ring hinihintay ng Los Baños LGU ang liham ng Philippine Chess Federation ukol sa mga kinakailangang gamit at panuntunang dapat sundin sa pinaplano nilang pag-oorganisa ng Luzon Chess Elimination.
Sinusubukan ring makipag-ugnayan ng Municipal Sports Development Office sa Brgy. Bagong Silang upang hikayatin ang mga mamamayan nito na lumahok sa mga programang kanilang inilulunsad.
“Ang mahalaga naman para sa amin ay ang makitang nagagamit ng mga batang sumasailalim sa ating pagsasanay at mga palaro ang kanilang mga natututunan dito. Yung iba sa kanila ay nagiging manlalaro o varsity ng kani-kanilang mga paaralan at unibersidad na nagbibigay sa kanila ng scholarship grants upang maipagpatuloy ang pag-aaral para sa kanilang mas magandang kinabukasan,” dagdag pa ni Luna.