Paggunita sa 2019 World Psoriasis Day sa Los Baños

Isinulat Neil Karlo C. Hernandez

Ginaganap ang World Psoriasis Day tuwing ika-29 ng Oktubre. Higit 125 milyong katao ang mayroong psoriasis sa buong mundo at halos dalawang milyon dito ay mga Pilipino. Maraming Pilipino ang walang sapat na kaalaman tungkol sa kondisyon na psoriasis.

Nakapanayan ng Dito Sa Laguna sa Season 24, Episode 7 nito noong 22 Oktubre 2019 sina Mr. Rickson Del Rosario, ang pangulo ng Psoriasis Philippines – Laguna Chapter at si Ms. Angie Maghuyop na isang University Extension Specialist sa UP Los Baños (UPLB) na mahigit dalawang dekada nang  nakakaranas ng psoriasis.

Ayon kay Mr. Del Rosario, ang psoriasis ay isang auto immune at genetic condition kung saan makakakita ng parang kaliskis sa balat. Maaaring lumabas ang kondisyong ito kapag pagod ang isang taong may psoriasis. Hindi rin nakakahawa ang psoriasis na kalimitang iniisip ng karamihan

Sa kaso naman ni Ms. Maghuyop, nagsimula siyang magkaroon ng psoriasis noong nanganak siya. Maaaring mapagkamalan ang psoriasis na isang dermatitis o eczema. Maaaring malaman na ito ay isang psoriasis sa pamamagitan ng skin biopsy.  Kung ang isang tao ay nagkakaroon ng mala-kaliskis na balat sa katawan ay mahalagang malaman kung ito ba ay psoriasis o ibang kondisyon upang siya ay mabigyan ng tamang medikasyon. Kalamitang ginagamit para sa pag gamot ng psoriasis ay mga skin topical ointment, phototherapy, at biologics na tinuturok, ngunit may kamahalan ito.

Naibahagi rin ni Mr. Del Rosario na maaring maibsan ang mga sintomas ng psoriasis sa pamamagitan ng  tamang pagkain at pag-eehersisyo.

Sa kasamaang palad, nakakaranas pa rin ng diskriminasyon ang may mga kondisyon na ganito at ang ilan sa mga ito ay tinatangal pa sa kanilang trabaho dahil sa kanilang panlabas na anyo. Malaking epekto nito ang pagkawala ng kumpyansa sa kanilang sarili. Bagaman may mga pagkakataong kaya pang itago ang kondisyon sa ilalim ng kasuotan, may mga pagkakataon din na lumabas na ito sa mukha, kaya hindi na kayang itago. Nakikita ang psoriasis sa panlabas na anyo kaya madalas ay nakikita itong hindi kanais-nais ng ibang tao, lalo na sa pampublikong lugar.

Malaking tulong ang Psoriasis Philippines (PsorPhil), kung saan miyembro sina Mr. Del Rosario at Ms. Maghuyop, upang pagbuklurin ang mga taong nakakaranas ng kondisyong ito at bigyan sila ng suporta sa payong medikal at psycho-social. Nagsimula ang PsorPhilo sa ilang tao lamang ngunit ngayon ay mahigit 20,000 na ang miyembro ng samahan na ito. Nagkakaroon ng pagtitipon ang kanilang mga miyembro kada-buwan at tinatawag nila itong Psorphil Bonding Moment na umiikot sa buong lalawigan ng Laguna.

Tinatawag nila ang kapwa nila may psoriasis na “kabalat” kung saan nagkakaroon sila ng kwentuhan at kamustahan. Nagbibigay ng serbisyo ang PsorPhil na tinatawag nilang Psorcoach na may sapat na kaalaman para mabigyan ng payo ang katulad nila na may kondisyon na ito.

Ang PsorPhil ay may tinatawag din na Psorphil Rescue Team na pinamumunuan ni Ginoong Del Rosario na tumutulong at sumasagip sa mga psoriasis na hindi gaano nabibigyan ng atensyong medikal. Kasama rin ang PsorPhil sa Universal Health Care Law na kung saan ay isinusulong nila ang karapatan at benepisyo na dapat matanggap ng nakakaranas ng kondisyong kabilang sa mga Persons with Disabilities (PWD).

Sila ay nakakatanggap ng diskwento sa mga kainan, botika, at iba pang mga serbisyo. Nagkakaroon ng Fundraising ang PsorPhil para magkaroon ng sapat na pondo at mas marami pang matulungan ang kanilang grupo dahil maraming indibidwal na may kondisyon na ito na mga nasa liblib na lugar. Hinihikayat ni Ginoong Del Rosario ang nakakaranas ng kondisyon na ito na makipag ugnayan sa PsorPhil. Nananawagan naman si Ginang Maghuyop sa pamilya ng mga taong may psoriasis na suportahan ang kanilang kamag-anak na may hinaharap na ganitong kondisyon.

Maaaring makipagugnayan sa Psorphil sa email ([email protected]) o telepono (+32 2 274 86 50). Maaari ring bisitahin ang kanila website sa http://www.psorphil.org/.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.