Ulat nina Karizza dela Peña at Ana Mariz Pineda
Muling pinatunayan ni Michael “Jako” Concio Jr., katorse anyos, mula sa Brgy. Mayondon, ang kanyang husay sa larangan ng chess matapos makamit ang tansong medalya sa Panitikan sa Chess 2020 noong ika-24 ng Pebrero sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Ang nasabing kompetisyon ay dinaluhan ng mga piling kalahok na mga tinaguriang chess masters.
Matatandaang nakamit ni Jako ang bansag na International Master (IM) matapos maiuwi ang medalya sa ginanap na 2nd Eastern Asia Juniors and Girls Championship sa Tanauan, Batangas noong ika-15 ng Disyembre 2019.
Matapos mapataob ang katungali sa Indonesia, iitinanghal rin si Jako bilang ikalawa sa nagkamit ng titulong IM sa buong lalawigan ng Dasmarinas, Cavite.
“Kailangan [lang ng] sipag at tiyaga,” ang payo ni Jako para sa mga gustong matuto ng chess at para sa mga gustong maging isang IM balang araw. Dagdag pa niya na kaakibat nito ang “ilang araw… na pagpupuyat [dahil sa] training.”
Sa edad na pitong taong gulang ay nag-umpisa na siyang sumali sa iba’t-ibang chess tournament mula sa antas pang-barangay hanggang pang-probinsya.
Ang hilig sa paglalaro ng chess ay nananalaytay sa kanilang pamilya. Ayon sa binatilyo, namana niya ang hilig sa chess mula sa ama na si Michael Concio.
Nagsimulang maging interesado si Jako sa chess noong tinuruan siya ng kanyang ama na ipwesto ang mga chess piece. Nang makita ni Michael ang potensyal ng anak ay sinimulan niyang turuan si Jako kung paano maglaro. Maging ang kanyang dalawang kapatid na babae ay bahagi rin ng chess varsity team ng kanilang paaralan.
Matapos namang mahubog ang likas na talento sa chess mula sa kaniyang tahanan, sumailalim si Jako sa pagsasanay ni Darwin Laylo, isang Chess Grandmaster, at ni Roel Abelgas, ang kaniyang coach.
Noong Hunyo 2014 ay sumabak sa unang international chess tournament si Jako na ginanap sa Macau. Naging matagumpay ang pagsungkit ni Jako sa gintong medalya para sa 15th ASEAN + Age Group Championship noong siya ay sampung taong gulang pa lamang.
Hindi rin naging madali ang paglalaro ng chess para kay Jako. Noong nasa ikalawang baitang, napilitan siyang ipasantabi muna ang paglalaro ng chess upang mas pagtuunan ng pansin ang kaniyang pag-aaral. Ngunit sa halip na maging hadlang ito sa kanyang pag-aaral, naging motibasyon pa niya ito upang maipagpatuloy ang kanyang interes.
Pumasok si Jako sa summer classes na naging dahilan kung bakit nakabalik agad siya sa paglalaro ng chess makalipas ang isang taon. Dahil dito, agad na naipagpatuloy ni Jako ang pag-eensayo at pakikilahok sa mga patimpalak hanggang umabot siya ng high school.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang kaniyang pag-eensayo upang makamit ang kaniyang pangarap na maging Grand Master ng chess.