Ulat ni Alecs Hedi G. Reyes
Dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ), ginunita ng mga Pilipinong Katoliko ang Semana Santa na wala ang mga tradisyunal na aktibidad na nakasanayan sa pangalawang sunod na taon.
Noong Linggo ng Palaspas, Marso 28, ang ilang mga deboto ay nagpakita ng kanilang debosyon sa pamamagitan ng pagdarasal sa mga simbahan ng munisipalidad tulad ng San Antonio de Padua Parish, upang obserbahan ang tradisyunal na pagsisimula ng Semana Santa.
“Ang mga simbahan ay bukas para sa mga parokyano at binantayan po ito ng kapulisan para makasiguradong nasunod ang 30-50 percent capacity at ang one-way entry at exit nito,” ani ni PLTCol. Jaycon A. Ramos, hepe ng Los Baños Municipal Police Station.
Ngayong taon, pinayuhan muli ang mga mamamayan na manatili lamang sa kanilang mga tahanan sa pagdiriwang ng Semana Santa at obserbahan ang pinaka sagradong mga araw ng taon at sundin nalang ang mga aktibidad ng simbahan online o sa telebisyon alinsunod sa patakaran ng IATF na ipinagbabawal ang mga mass gatherings dahil sa banta mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kaugnay nito, doble ingat at “namnamin nalang ang presensya ng mga pamilya natin sa ating tahanan” ang payo at gabay ni PLTCOL Jaycon A. Ramos sa mga mamamayan ng Los Banos habang inaantay ang katapusan ng ECQ sa Abril 11.
Mas mahigpit na pagtupad ng curfew at quarantine control checkpoints
Mula sa pahayag ni PLTCol. Ramos, mas lalong naghigpit ang local government units (LGU) ng Los Baños sa mga barangay para matigil ang mga mass gathering at pagtitipon ng mga tao ngayong na-extend ang ECQ.
“Sa una, sinasabihan o pinapaalalahanan muna ang mga violators natin ng mga hindi dapat gawin under ECQ. Pero kapag masita ulit, ipinapatawag o hinuhuli namin at kinukuhaan ng pangalan, detalye, kung ilang beses na sila nag violate ng mga patakaran, at aalamin din natin kung yung lugar nila ay isa sa pinakamataas na contributor ng COVID-19 sa barangay” dagdag nito.
Ang Los Baños Municipal Police Station kasama ang LGUs, DILG at lokal na task force ay mayroong monitoring operations sa lahat ng barangay at patuloy na nagsasagawa ng inspeksyon sa mga nakalatag na Quarantine Control Points (QCP) ngayong binalik ang 6 pm hanggang 5 am curfew.
“Ang border checkpoint natin sa Bae at Calamba ay mas pinahigpit at dinagdagan natin ng kapulisan kasama na rin ang LGUs, bureau of fire, at pati ang army para ma-enhance ang checkpoint natin para sa mga pumapasok na hindi authorized na mga tao,” ani ni PLTCol. Ramos. Direktiba sa mga pulis na nakabantay sa mga QCP or border checkpoints ay ipatupad ang mahigpit na paninita at kasalukuyang tanging mga Authorized Personnel Outside of Residence (APOR) na may working permit lamang ang makakapasok kabilang ang mga essential travels, services at mga cargo na may bitbit na essential goods.
Noong Sabado, ika-27 ng Marso, inanunsyo na inilagay ang Metro Manila at ang mga karatig lalawigan nitong Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite, na tinatawag bilang “NCR Plus”, sa ilalim ng ECQ – ang pinakamahigpit na antas ng quarantine sa bansa. Ang ECQ ay kasalukuyang na-extend at nag simula noong Lunes, Marso 29, at inaasahang matatapos sa Linggo, Abril 11 upang mapigilan ang tuluy-tuloy na pagtaas ng bilang ng nagpopositibo sa COVID-19.
Para sa iba pang detalye at mga updates, maaring bisitahin ang official FB page ng Los Banos MPS Page at Municipal Government of Los Baños.