Ulat ni Jill Parreño
Si Elenita Tangga-an, isang 52-anyos na residente ng Barangay San Antonio na may hypertension, ang isa sa mga nakakuha na ng unang dose ng bakuna bilang bahagi ng A3 priority group. Kasunod ng A1 (mga medical frontliners) at A2 (mga senior citizen na may edad na 60 pataas), ang A3 priority group ang pangatlong prayoridad na mabakunahan laban sa COVID-19 sa plano ng pagbabakuna ng gobyerno.
Nagparehistro sa pagpapabakuna si Elenita noong ika-20 ng Marso sa pamamagitan ng libreng online vaccine pre-registration ng Munisipyo ng Los Baños. At nito lamang ika-9 ng Abril, pinadalhan siya ng mensahe na nagpapaalam sa kanyang schedule ng pagpapabakuna. Sa susunod na araw, sa ika-10 ng Abril, nakuha ni Elenita ang unang dose ng Sinovac sa covered court ng Brgy. Batong Malake. Medyo matagal raw siya nakapila, ngunit may mga nakahandang upuan naman.
“Una kinabahan ako, nanlamig [sa] sobrang takot. Kala ko masakit ang turok, hindi pala,” sabi ni Elenita.
Maliban daw sa pagsakit ng braso niya kung saan siya tinurukan, wala naman daw siyang naranasan na side-effects. “Wala naman akong lagnat, 36.5 lang temperature ko,” ani niya.
Para sa mga nag-aalangan na magpabakuna, para lang daw itong flu vaccine, sabi ni Elenita. Mayroon naman daw proseso tulad ng counseling at pag check-up ng heart, temperature, at blood pressure.
“Dapat magpabakuna sila para sa proteksyon or depensa sa COVID-19. Hindi man one hundred percent, at least nabakunahan tayo. Wag matakot, hindi ka nila pababayaan, i-check muna nila bago nila tuturukan.”
Maaaring makita ang online pre-registration form ng Los Baños sa link na ito: https://www.mglb-covid19-tracker.com/index.php/Vaccination.
Para sa iba pang detalye at mga updates, maaring bisitahin ang official FB page ng Municipal Government of Los Baños.