Ulat ni: Nomar Silang
LAUREL, BATANGAS – Isa ang kondisyon ng bulkang Taal sa mga isinasaalang-alang upang masiguro ang kahandaan ng bayan ng Laurel sa paparating na halalan sa ika-9 ng Mayo.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin tiyak ang kalagayan ng bulkang Taal. Kasalukuyang nasa Alert Level 2 (Decreased Unrest) ito. Mahigpit pang nakaantabay ang lokal na awtoridad sa mga aktibidad ng bulkan sakaling pumutok muli ito anumang oras.
Nagsanib puwersa ang mga lokal na ahensya ng pamahalaan para ihanda ang bayan at tiyak na maihatid ang 26,624 na boto ng mga residente.
Bumuo ang Commision on Elections (COMELEC) ng Task Force Taal na kinabibilangan ng COMELEC, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), at Philippine National Police (PNP), ayon sa isang panayam kay Election Job Order (EJO) Zandra Piquero ng COMELEC Region IV-A CALABARZON Laurel, Batangas.
Ang nasabing Task Force ang namuno sa pagtatalaga ng alternatibong presinto sa mga high-risk areas kabilang na ang Brgy. Buso-Buso, Gulod, at bahagi ng Bugaan East.
Matatandaang pinalikas ang mga nabanggit na barangay matapos itaas sa Alert Level 3 (Magmatic Unrest) ang bulkan nang maganap muli ang phreatomagmatic eruption noong Marso 29. Dahil dito, kasama sila sa mga inuna sa alternatibong pagpaplano.
Nakaabang ang mga paaralan ng Placido T. Amo Senior High School at Wenceslao Trinidad High School para magsilbing alternatibong presinto sakaling pumutok ang bulkang Taal, dagdag ni EJO Zandra.
Marami sa mga Laurelians ang nagsabing nakaapekto ang bulkang Taal sa paghahanda para sa eleksyon.
Ani Brizter Bruce, rehistradong botante ng Laurel, di tulad ng bagyo at ibang kalamidad, walang kasiguraduhan kung kailan muling magaalboroto ang bulkan.
Nabanggit ni David Lorenz Fajardo, nakababahala man ang posibilidad ng pagputok ng bulkan, ay nagdulot ito ng pagiging mas handa ng bayan sa mabilisang pagtugon sa sitwasyon maging oras man ito ng botohan. Napansin rin niya na mas naging organisa ang bayan sa agarang pagpapatutupad ng mga protokol at alituntunin sa pageebakuweyt tuwing tumataas ang aktibidad ng bulkan.
Para naman kay Ellen Atienza, hindi ito gaanong nakaapektol sapagkat sanay na sila at nakaayos na ang bawat barangay sa kailangang gawin kaya nabawasan ang kanilang pagkabahala.
Samantalang nakitang epekto ng ilang mamayan ang isyu tungkol sa pagpapaabot ng tulong sa kanilang bayan.
“Bugso ang tulong na dati’y hindi naman,” ani John Carlo Quiane, mag-aral ng Batangas State University mula sa Laurel.
Pahayag naman ni EJO Zandra, may batas na bawal basta mag-abot ng direktang tulong sa mga evacuees ang mga kandidato. Kaya’t sinigurado ng COMELEC Laurel, na dumaan sa tamang proseso ang mga ipinahatid na tulong mula sa mga tumatakbong kandidato.
Kasama sa prosesong ito ang pagtatanggal ng pangalan o larawan ng kandidato sa mga relief goods bago ipamahagi sa mg evauees, na pinangunahan ng Red Cross Laurel.
Ilang araw bago ang halalan, panatag na binanggit ni Sheryll Masicat, guro, at isa sa mangangasiwa ng botohan, “Kakikitaan ang bayan ng Laurel ng kahandaan sa darating na eleksyon kaalinsabay ng peligro ng bulkang Taal.”