Ulat ni: Mia Carmela Bueta
Dismayado ang mga botante ng Barangay Tres Cluster 25C sapagkat mula ala sais ng umaga ay hindi na gumagana ang vote counting machine (VMC) sa nasabing presinto.
Ayon kay Monica Manzano, isang technical support staff, bago pa mag ala sais ay hindi na gumagana ang SD card ng machine. Sinubukan itong ayusin ng iba’t ibang technical staffs ngunit hindi pa rin nila ito naayos.
Bandang alas nuebe naman nang magsimulang magkumpulan ang mga botante at maririnig na ang hinaing ng mga ito. Sinubukan nang i-contact ang COMELEC tungkol dito at napagpasyahang payagan nang bumoto ang mga nais nang mauna, at ang watchers na ang magpapasok ng kanilang mga balota sa VCM.
Ayon kay Daisy Mujar, isang botante sa nasabing presinto, dahil sa pagkasira ng VCM, binigyan na lamang sila ng isa pang option kung saan sasagutan na nila ang mga ballots at hayaang ang watchers na lamang ang magpasok ng mga ito. Idiniin niya, nasaan na ang karapatang pantao sa kalakarang ito?
Sa kabila naman nito, hindi niya rin naman daw masisisi ang papayag sa ganitong sistema sapagkat may mga senior citizens din na nahihirapan. Dagdag pa rito, may mga papasok pa sa trabaho at mawawalan ng sahod.
Kasalukuyang hinihintay ng mga botante mula sa presinto ang paparating na SD card para sa VCM. Sa ngayon, pinauuna na muna ang mga senior citizens na nais nang bumoto at iwanan na lamang ang kanilang mga shaded ballots.
Bukod sa mga paper jams at sirang VCM, ilan din sa mga botante ang hindi pa alam ang kanilang mga precinct numbers. Kaya naman may iba’t ibang information desks per barangay ang umaasiste sa kanila.