Ulat ni: Dara Montalbo
Sa kabila ng init ng panahon, marami pa ring botante ang dumarating sa Liliw Elementary School kaninang alas dose ng tanghali.
Ganoon din ay hindi maiwasan ang mabagal na usad ng mga pila sa mga silid-aralan dahil na rin sa mga senior na bumoboto. Mga bandang alas nuwebe ng umaga kanina ay mas dumami ang pagdating ng mga botante kaya naman mas nagkumpulan ang mga tao. Hindi na rin naoobserbahan ang social distancing at ang ilan sa mga botante ay nagrereklamo na dahil sa pagdagsa ng mga tao.
Samantalang, ayon naman kay Imelda Ebarde, isang sa mga volunteer, may mga naliligaw na ring botante sa apat na naka-assign na presinto ng Brgy. Ibabang San Roque dahil hindi nila makita kung saang presinto sila dapat na bumoto base sa mga papel na mayroon ang mga local watchers.
Bukod dito, pitong daang botante ang inaasahan sa nasabing barangay. Madali na rin namang rumeresponde ang mga volunteers para magabayan ang mga botanteng humihingi ng tulong.