Ulat ni: Tiara Liz Derequito
Sa gitna ng banta ng nakahahawang sakit na COVID-19, nagkaroon ng inisyatibo ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Santa Maria Magdalena na mamahagi ng libreng alcohol at face masks para sa mga inaasahang boboto ngayong araw.
Ayon kay SK Chairman Jhuncel Deriquito, alas-6 pa lamang ng umaga ay nagsimula na silang mamahagi ng alcohol at face mask. Humigit kumulang Php40,000 ang ginamit na pondo para sa health essentials na ito. Dagdag niya, ito raw ay isang paraan upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente.
Bandang alas dose ng tanghali nang itinayang walong daang pirasong facemask at alcohol ang kanilang naipamigay sa mga kabarangay. Inaasahan din na makakarating ang ilan daan pang residente ng barangay upang makaboto.
Ayon kay Sangguniang Barangay Chairwoman Haidee Belen, maigting ang kanilang naging preparasyon para sa araw ng eleksyon, kabilang na riyan ang pagpapaskil ng mga health and safety reminders, paglalagay ng thermal scanners at alcohol sa mga pasilidad ng eskuwelahan.
Wala pang naitatayang kaso ng paglabag sa health and safety protocols sa mga presinto, habang matiwasay pa rin ang pila at pagboto ng mga botante sa barangay, alinsunod sa COMELEC guidelines.