Ulat ni: Quinzhy Jimenez
Dagsa pa rin ang mga botante dito sa Oogong Elementary School na nagsisilbing voting center para sa tatlong barangay sa bayan ng Santa Cruz: ang Oogong, Jasaan, at Malinao.
Ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), mas marami ang botante kaninang umaga na nagdulot ng kaunting kaguluhan sa pila. Sa ngayon, makikita pa rin ang pagdami ng mga botante sa loob at labas ng paaralan ngunit patuloy naman na nasusunod ang health and safety protocols sa lugar.
Nagkwento rin ng karanasan ang ilang mga botante sa nasabing voting center. Ayon kay Jenna Collo ng Barangay Oogong, naging mabilis para sa kanya ang proseso ng pagboto. Para naman kay Rolando Ojo ng Barangay Jasaan, mahigit isang oras nang nag-aantay kasama ang mga botante niyang anak at apo.
Dahil sa mas maraming matatandang botante ang nadadatnan sa nasabing voting center, patuloy na hinihikayat ang mga first-time voters at mga kabataan na bumoto hanggang alas-siete ng gabi sa Oogong Elementary School.