Ulat ni: Marx Villaseñor
Patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga botante sa Duhat Elementary School, Sta. Cruz, Laguna. Ipinapatupad ang mga safety protocols katulad ng pagkuha ng temperatura ng mga botante bago pumasok sa elementary school. Makikita rin ang mga nakakalat na alcohol dispenser sa mga presinto.
Kahit nililimitahan sa sampung botante ang pinapapasok sa isang presinto, hindi pa rin nasusunod ang social distancing sa loob ng nasabing eskuwelahan. Dagdag pa rito ang mabagal na pag-usad ng mga botante, ayon kay Ma’am Edna Reyes, Principal ng Duhat Elementary School. Nasabing may mga vote counting machines o VCM na nag-malfunction kaninang umaga. Bumagal ang “pagfeed nito” ngunit agad namang naaksiyunan ng IT staff at bumalik sa normal ang operasyon.
Ayon naman kay Elmer Almadin, isang botante, nagsimula silang pumila kaninang alas-siyete ng umaga, at natapos silang bumoto ng alas diyes. Napaka-bagal ng pagusad dahil di umano ay may apat na presinto na pinagsama sama sa iisang classroom. Payo ni Almadin, “kailangan talaga ng mahabang pasensya para sa pagbabago”.
Ayon naman kay Alfred Galit, isang botante, wala gaanong nag-a-assist sa mga botante upang malaman kung saan ang kanya-kanyang mga presinto. Nagtanong na lamang siya sa kanyang mga katabi na mga nakapila.
Sinusubukan din mas mapadali ang proseso ng pagboto para sa mga Senior citizen, Persons with Disabilities at sa mga pregnant women. Ayon kay Ronald Daracan, PPCRV Volunteer, pinapauna ang mga Senior Citizen, PWD at mga pregnant women. Mayroon silang Priority Lane at may mga upuan din na nakahanda sa labas ng bawat presinto.