Ulat ni: Margareth Callo
Habang palapit na ang pagtatapos ng Halalan 2022, paunti na rin nang paunti ang mga taong dumating para makaboto sa Rizal Elementary School.
Ayon kay Aira Mendoza, isang watcher sa clustered precincts ng Brgy. Talaga—precinct number 0037B, 0036C, 0038B, 0037A, at 0038A—mayroong 625 na katao ang nakaboto na mula sa inaasahang 768 na mga botante sa cluster na ito.
Ayon naman kay Karen Sumague, isa ring watcher na naka-assign sa nasabing paaralan, naging maayos ang bugso ng tao at ang pamamalakad sa mga presinto bagama’t nagkaroon ng kaunting aberya. Naubos ang thermal paper sa isang vote counting machine (VCM) kaya’t hindi na naiprint ang ilang resibo. Naayos din agad ng technician ang nasabing problema.
Bukod dito, isa pa sa mga problemang kinaharap ay noong nasulatan ang barcode ng balota ng isang hindi na papangalanang botante. Sampung beses inulit at sinubukang iproseso ito sa VCM ngunit hindi na ito tinanggap. Nakahanda na itong ipadala sa COMELEC.
Maliban sa ilang munting aberya na nangyari, naging maayos naman ang pamamalakad sa presinto ng Brgy. Talaga at sa kasalukuyan, hinihintay na lamang ang mga natitirang botante.