Ulat ni: Sophia Alyanna Bonifacio
Mapayapa at maayos pa rin ang pila sa Dr. Sixto Elementary School sa Brgy. Sumilang, Pasig City mula nang magsimula ito kaninang ala sais ng umaga. Bagamat marami ng botante ang pumupunta sa kani-kanilang presinto, strikto pa ring nakaantabay ang mga boluntaryo, staff, at task force upang tumugon kung sakaling magkaroon ng abala.
Ayon kay Victor Eugenio, Executive Officer ng Barangay Sumilang Task Force, iba’t ibang ahensya tulad ng Bureau of Fire Protection (BFP), kapulisan, traffic enforcers, at Peace and Public Safety Division ang nakaantabay upang masigurado na maiiwasan ang stampede at anomalya sa oras ng botohan. Ito ay sa kadahilanang makitid ang mga daanan at eskinita palabas ng paaralan.
Prayoridad din ang senior citizens at Persons with Disability (PWD) sa daanan at pila kung kaya’t hinahayaan pumasok ang kanilang mga pribadong sasakyan sa paaralan. Nakahanda na rin ang wheelchairs at stretchers ng Pasig City Persons with Disability Affairs Office kung sakaling kailanganin ito.
Samantala, kaninang alas otso ng umaga ay pinaalis ng kapulisan ang mga street vendors sa paligid dahil ipinagbabawal ang pagbebenta ng pagkain o gamit sa paligid ng paaralan upang mapanatili ang kaluwagan sa daan. Tahimik na sumunod ang ilan sa mga nagbebenta at lumipat na lamang ng pwesto sa pangalawang kanto, malapit sa E. Santos Avenue. Ani ng isang tindera, hindi sila pinaukulan na dapat ay may directives muna sa otoridad bago makapagbenta
Bagamat nagkaroon ng kaunting diskusyunan, tuloy-tuloy pa rin naman ang maayos na daloy ng mga botante sa paaralan. (Sophia Alyanna P. Bonfacio, Bantay Halalan Laguna 2022)