Ulat ni: John Mark Ayap
Mangilan-ngilang aberya ang naranasan sa ilang mga presinto sa Laiya Elementary School sa San Juan Batangas na nagdulot ng ‘di mapigilang pagkaipon ng mga botante sa pila, ilang oras pagkatapos opisyal na buksan ang botohan ngayong araw.
Ayon kay Ms. Angel Gaspar, Precint 49 Chairman, ang naranasang bahagyang pagbagal ng proseso ay nagbuhat sa dumaming bilang nga mga senior citiizens at mga Persons with Disabilities (PWDs) na maagang pumila upang makaboto.
Bilang tugon, sinigurado ng mga opisyales ng paaralan at mga nagsisilbing tagapag ganap sa eleksiyon na maayos na maipatutupad at mapapangasiwaan ang ‘fast lane’ o espesyal na linyang aasiste sa kanilang mga sektor.
Bukod pa rito, naging isyu rin sa voting center ang mga balotang hindi tinanggap ng Vote Counting Machines o VCMs.
Isang balota ang paulit-ulit na na “misread” ng isang VCM na kinlasipikang rejected ballot pagkatapos ng apat na beses na sinubok itong ipasok sa machine. Madiin at lagpas na shading ang nakompirmang kadahilanan nito.
Nakiusap naman ang Principal I ng paaralan na si Ms. Gemma Dimaculangan, na nawa’y mas maging pasiyensyoso ang mga botante ng barangay dahil sa magkasabay na init ng panahon at pagdami ng mga dumarating na botante.
Ilang paalala niya ay ang lumapit sa mga tamang tao at awtoridad na nangangasiwa ng botohan upang ilapit ang kanilang mga katanungan at pangamba tulad na lamang ng problema sa registration, hindi akmang mga precint number at iba pang mga isyu ukol sa nagaganap na eleksiyon
Siniguro naman ng mga guro at boluntaryong naka duty sa paaralan tulad ng mga kabataang boluntaryo ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang maayos na daloy at mabilisang pag -asiste sa mga pangangailangan ng mga botante.