Ulat ni: Gherald Navera
Tulad ng naranasan sa maraming bahagi ng bansa ngayong araw ng halalan, nagkaroon ng aberya bandang alas-9 kaninang umaga sa vote counting machine sa Clustered Precinct #47 sa Los Baños Senior High School – Barangay San Antonio, Los Baños, Laguna. Ayon kay Jabez Flores, isang botante, tinatanggap ng nasabing VCM ang kanilang balota ngunit hindi ito naglalabas ng resibo. Mungkahi ng staff doon, iwanan nalang daw ng mga botante ang kanilang mga accomplished na balota, at ang staff nalang daw ang magpapasok ng mga ito sa VCM.
Dito na umalma ang mga botante, at nanindigang hindi sila aalis hanggat hindi nila mismo naipasok ang mga balota sa VCM at nakatanggap ng kaukulang resibo. Nanawagan si Flores sa kanyang personal Facebook account ukol sa pangyayari at humingi rin ng tubig at pagkain para sa mga tao doon. Sa tantya ni Flores, may humigit-kumulang 100 na mga botante ang patuloy na nagbabantay sa precinct 47.
Humingi si Flores ng tulong sa mga tao na tumindig para sa kanilang boto at hindi hayaang iwanan na lamang ang kanilang balota at hayaan na lamang na ang mga tao doon ang mamahala sa kanilang balota.
Sa kanyang latest post ay nagpasalamat si Flores sa mga taong nagpalada ng pagkain at tubig para sa kanila. Sabi nila, maghihintay na lamang muna sila sa ng ibang presinto na matatapos ng maaga upang makagamit ang VCM, at masaksihan ng mga citizens at poll watchers ang kanilang paglalagay ng boto. Siya rin ay nagpasalamat sa mga tauhan ng paaralan at mga pulis na naka-duty na tumulong sa pagsisikap na kanilang ginawa.
Sa mga gusto pang magpahatid ng tulong, maaari itong iwanan sa gate ng Los Banos Senior High School, at sabihing donasyon ito para sa Cluster 47.