Ulat ni: Sean Craig D. Alsim
Pagpatak ng alas-dose ay nabawasan na ang bilang ng mga botanteng dumarating upang bumoto sa Lantic Elementary School, kaya naging mas maayos na pila ng mga tao sa kani-kanilang clustered precincts.
Kinumpirma ito ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) volunteer Reymond D. Andal na nagsabing nasusunod nga ang health protocols sa lugar tulad ng social distancing at pagsusuot ng face masks.
Kasabay ng pagsunod sa mga health protocols sa nasabing paaralan, naging mabilis din at maayos ang pila para sa mga Persons with Disabilities (PWDs) at senior citizens dahil sa mga priority lanes.
Dagdag ni Andal, bagama’t naging maayos ang sistema sa pagpila sa naturang paaralan, nagkaroon naman ng problema sa isang vote counting machine (VCM) na hindi tumatanggap ng balota ng mga botante.
Bukod pa rito, nagkaroon din ng abeyra sa voter-verified paper audit trail (VVPAT). Isang botante ng Lantic ang nagsabing hindi nakasama ang kaniyang binotong partylist sa lumabas na resibo.
Reklamo pa ng botante, kapansin-pansing hinihiwalay ng mga staff ang balota ng mga botante sa dapat na COMELEC secrecy folder nito.
Sa kasalukuyan ay wala pang impormasyon sa kung paano inaksyunan ang mga aberyang ito.
Samantala, tinatayang mahigit 9,000 katao ang inaasahang boboto sa Lantic Elementary School ngayong araw ng halalan.