Ulat ni: Kurt Angeles
Patuloy ang pagdagsa ng mga botante sa iba’t ibang voting centers sa Lungsod ng San Pablo ngayong May 9, 2022. Mabilis ang paghaba ng mga pila mula sa pagbubukas ng mga presinto hanggang sa maisagawa ang kanilang pagboto.
Alas-singko imedya pa lamang ng umaga ay nagsimula nang pumila ang mga botante sa Del Remedio Elementary School. Dito rin ang voting precinct ni Amben Amante, incumbent Mayor ng San Pablo City na ngayo’y tumatakbo para sa pagka-kongresista ng ikatlong distrito ng Laguna. Ayon sa isang staff, maagang pumunta sa presinto si Amante upang makaboto ngunit hindi na nito ipinaalam ang eksaktong oras ng kaniyang pagboto. Ayon naman kay Gem Ciolo, DESO Technical Support Staff, wala pa namang naitatalang aberya sa mga Vote Counting Machine (VCM) at umaasa silang magpapatuloy ito hanggang sa pagsasara ng botohan.
Samantala sa San Roque Elementary School, naging maayos naman ang pagpapalaganap ng health protocols tulad ng pagbabantay sa kanilang temperatura, pagsa-sanitize, at pagpapaigting ng social distancing sa mga designated waiting areas kagaya ng covered court at mga classrooms na katabi ng polling precincts. Handa rin ang isolation polling precinct para sa mga botante na makikitaan ng mga sintomas ng COVID-19.
Bandang alas-otso naman ng umaga, na-reject ng VCM ang balota ng isang botante sa kadahilanang nagusot ito sa loob ng machine. Sinabihan na lamang siya ng Support Staff ng presinto na ilalagay na lamang ang nagusot na balota sa isang envelope at isasama sa manual counting. Isang senior citizen din ang naabutang dismayado matapos hindi makaboto dahil hindi na siya kasama sa listahan ng mga aktibong botante.