Ulat ni: Shin Rebenito
Alas nuebe na ng umaga at patuloy pa ring humahaba ang pila sa Brgy. Dolores, San Pablo Laguna. Ayon kay Police Officer Joshua Badillo, nagsimulang magdagsaan ang mga tao alas sais pa lamang.
Patuloy pa ring ipinapatupad ang strict health protocols tulad ng social distancing sa loob ng precints. Ang mga senior citizens at PWD naman ay inuna sa pagpasok sa loob. Ngunit habang nasa pila, ang ilan sa mga residente ay hindi naoobserbahan ang social distancing.
Hindi maiwasan ang pagkakadikit-dikit dahil sa dami ng tao. Subalit patuloy namang pinaaalalahanan ng watchers at police officers na huwag tanggalin ang facemask, iwasan ang pag hawak sa mukha, at patuloy na obserbahan ang physical distancing.
Ayon kay Carmel Ferrer, isa sa mga botante ng Brgy. Dolores, medyo mabagal ang takbo ng botohan ngayon kumpara noong 2019 voting. Isa sa mga pangunahing rason dito ay ang pagpapatupad ng health protocols ng ating watchers at volunteers. Ganoon din ang kumakalat na balitang maaaaring magkaroon ng COVID-19 surge kung saan nagdudulot ito ng pangamba sa mga botante dahil maaaring maapektuhan ang limited face to face classes na kasisimula lamang ngayong taon.
Wika rin ni Ma’am Karen Capuno, principal-in-charge sa Brgy. Dolores, San Pablo City, handa naman ang DepEd at ang kanilang contingency plan kung biglang dadami muli ang kaso ng COVID-19, nang sa ganoon ay hindi lubos na maapektuhan ang mga estudyante sa posibleng maging sitwasyon nila. Ang limited face-to-face classes ay nagpapatuloy sa mga estudyanteng nabigyan ng pahintulot na dumalo sa physical classes.
Sinigurado naman ng ating mga guro at punong-guro na pagkatapos ng eleksyon ay idi-disinfect ang mga paaralan na ginamit bilang voting precints.