Pamamahayag sa agham paksa sa DDJ Seminar Series Webinar

Ulat ni Paul John Lazaga

Pamamahayag sa agham o science journalism ang naging paksa ng isang webinar na isinagawa ng College of Development Communication (CDC) ng UP Los Baños noong Hunyo 13, 2022 sa Zoom.

Pinamagatang Science Journalism: International and Local Perspectives, ito ay bahagi ng Department of Development Journalism (DDJ) Seminar Series na taunang aktibidad ng kolehiyo. Layunin ng webinar na ipakilala ang science journalism sa komunidad ng Los Baños na tinaguriang special science and nature city ng Laguna.

Ang unang tagapagsalita ng webinar ay si Joel Adriano, Regional Coordinator for Asia Pacific ng SciDev.Net, isa sa pinagkakatiwalaang pahayagan na naglalaman ng mga balita, pananaw at pasusuri patungkol sa global na pag-unlad. 

Tinalakay niya ang maaring oportunidad, karanasan, at mga dapat tandaan kung sakaling ang isang mamamahayag ay magiging parte ng isang internasyonal na pahayagan katulad ng SciDev.Net.

Dagdag pa ni Adriano ang kawalan ng konsiderasyon sa pagpili ng ibabalita ang isa sa nakikita niyang problema sa kanilang larangan at hinikayat rin niya na mabuting magkaroon muna ng karanasang lokal ang isang mamamahayag bago ito tumungo sa internasyonal na lebel.

Samantala, ang pangalawang tagapagsalita na si Jasper Arcalas, Agriculture and Commodities Reporter ng BusinessMirror, ay ibinahagi ang importansya ng at ang kanyang perspektibo patungkol sa Agricultural Journalism.

Sa kanyang presentasyon ay inihalintulad niya ang agrikultura sa pag-ibig. Aniya, “kung minsan ay you disagree, madalis agri.”

Kasunod nito ang pagtalakay sa mga isyu sa sektor ng agrikultura na hindi madalas binabalita at pagbibigay ng “payong kapatid” na makakatulong upang maging epektibo sa pagsulat ng balita.

“Hindi lubusang maisasatitik o maisasakataga ang tunay na mga ganap sa buhay ng mga tao. Lagi’t lagi: magpupunyagi sa abot ng makakaya,” sabi niya.

Sa pagtatapos ng webinar ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga nakilahok mula sa iba’t-ibang organisasyon na magtanong sa mga pangunahing tagapagsalita kabilang ang mga isyu ng maling impormasyon o disinformation sa social media.

Ang webinar ay opisyal na binuksan ni Asst. Prof. Aletheia C. Araneta, ang tagapangulo ng DDJ.

Aniya, “We are facing so many concerns in our society ngayon na ang causes, roots and even solutions, particularly solutions, are rooted in science”.

Ang nasabing webinar ay ginanap sa pakikipagtulungan sa DEVC 128 (Science Journalism for Development) class ng CDC sa ikalawang semestre ng school year 2021-2022

Noong Mayo 2 ay ginanap ang unang webinar ng DDJ Seminar Series ngayong taon na may paksa namang mobile journalism for covering elections.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.