Isinulat ni Cyber Gem Biasbas
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 5.0% ang inflation rate sa mga lugar sa labas ng National Capital Region (NCR) ngayong Hunyo 2022. Ayon sa PSA, ang pag-akyat ng inflation rate sa labas ng NCR ay dulot ng mas mabilis na pagtaas ng presyo ng transportasyon, pagkain at inumin. Tumaas din ang presyo ng ibang mga gastusin at bilihin, tulad ng tirahan, tubig, kuryente, gasolina, mga kagamitan, kasuotan, at iba pa. Dahil dito, mas bumigat din ang pasanin ng mga magulang na nagpapaaral ng mga anak sa high school at kolehiyo.
Sa muling pagbubukas ng aplikasyon para sa bagong scholars ng Los Baños, umaasa ang mga magulang at mga mag-aaral na sila ay matanggap upang matulungan silang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Nagsagawa ang lungsod ng orientation nitong Hulyo 21 tungkol sa scholarship at sa aplikasyon dito, kung saan tinalakay ang mga benepisyo, kwalipikasyon, at mga dokumentong kailangan. Subalit 100 na magulang at 100 na college students lamang ang pinayagang sumali sa nasabing orientation.
Matapos ang orientation, binuksan na ng Youth Development Office (YDO) ang aplikasyon sa mismong scholarship. Tatangap ang opisina ng mga aplikasyon hanggang sa ika-17 ng Agosto.
Benepisyo ng scholarship program
Ang scholarship na nagsimula nong 2013 ay inamyendayan noong nakaraang taon sa pamamagitan ng Municipal Ordinance 2021-2171, An Ordinance Prescribing The New Implementing Guidelines Of The Los Baños Municipal Scholarship Program.
Sa ilalim ng scholarship, makakatanggap ng hanggang P5,000 ang mga estudyanteng nasa kolehiyo. Kalahati nito ay ibibigay ng pamahalaan sa paaralan kung mayroong binabayaran na tuition fee. Kung walang tuition na binabayaran, ito ay direktang mapupunta sa mag-aaral. Mayroon ring cash incentive sa bawat katapusan ng semestre na P1,000 kung ang grado ng bata ay nasa 1.24 – 1.0 (o 97% – 100%) at P700 naman kung 1.49 – 1.25 (94% – 97%).
Makakatanggap naman ng P1,500 bawat taon ang mga Junior High School (G7 – G10) at P2,500 sa mga Senior High School (G11 – G12). Mayroon ring cash award na P1,000 sa katapusan ng school year kung ang kanilang grado ay nasa 97% – 100%, at P700 naman kung ito ay nasa 94% – 97%.
Reaksyon ng mga tao
Umani ng iba’t ibang reaksyon ang mga post ng YDO tungkol sa scholarship, lalo na sa Facebook post nila tungkol sa registration para sa isinagawang orientation.
Reklamo ng mga tao, mabilis umanong naubos ang 100 na mga slot para sa high school at college.
Gaya na lamang ni Lheanne, “Sa dami ng student dito sa [Los Baños] na talagang financially hindi kayang makapag-aral, malaking bagay sana ‘yan, pero kung magbababa kayo ng ganyang announcement for only 100 slot, [dapat siguro mas i-consider] ang kakayahan ng bata.”
Nilinaw ng ilang netizen na ang 100 slots pang high school at college ay para lang sa orientation at hindi sa mismong scholarship.
Gayon pa man, natatakot rin ang ibang magulang, gaya ni Camposo, na baka inuuna ang lungsod na mayroong nangyayaring Palakasan System. Aniya, “Hindi ko naman nilalahat, pero parang nauuna ang mga kamag-anak [ng mga empleyado ng pamahalaan]” Naniniwala siya na mas malaki ang tsansa na maging patas ang programa kung ito ay may exam.
Sa kabila ng kanilang pag-aalala at suhestiyon, mayroong mga probisyon ang Municipal Ordinance 2013-1248, Municipal Ordinance 2019-1872, Municipal Ordinance 2021-2171 upang matiyak na patas at wasto ang proseso ng pagpili ng mga scholar
Mayroong Selection Committee na binuo upang salain nang mabuti ang mga mag-aaral. Kinakailangan rin ayon sa ordinansa na gumawa ng exam ang komite para sa mga aplikante. Maari ring basehan ang kanilang grado kung hindi posibleng isagawa ang pagsusulit dahil sa nakakahawang sakit.
Kinakailangan rin na gumawa ang komite ng income table rating scale upang kanilang pag basehan kung ano ang klasipikasyon pamilya base sa kinikita nito. Magsasagawa rin sila ng final screening ayon sa batayang nakasaad sa ordinansa.
Hiling ng mga magulang
“Mahirap po sa ngayon ang aming buhay, pero nais po namin magpatuloy ng pag-aaral ang aming anak,” wika ni Lea, hindi niya tunay na pangalan, na magulang ng tatlong batang nag-aaral. “Makakagaan po itong [scholarship] sa katulad namin na talagang kulang sa financial (capability) para (sa) pag-aaral ng aming mga anak.”
Dating canteen helper si Lea sa isang paaralan, pero nawalan siya ng trabaho dahil sa community quarantine buhat ng pandemya. Kumukuha lang siya ngayon ng anumang pansamantalang trabaho habang namamasukang drayber ang kanyang asawa na nawalan rin ng trabaho. Kabilang silang dalawa sa 10.1% o 4.5 milyong Pilipino na nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng mahigpit na community quarantines.
Dagdag pa niya, nangungupahan lamang sila, malaking bagay na scholarship kahit maliit lang ito. “Malaking kabawasan na po [ang scholarship] sa aming paghihirap at lubos po namin itong ipagpapasalamat.”
Ganito rin ang sitwasyon ni Angeline, hindi niya tunay na pangalan, na magulang ng tatlong mag-aaral. Nangungupahan rin siya ng bahay, ngunit hindi sapat ang kanyang kinikita bilang factory worker upang regular na mapakain ang kanyang anak. Nakikikain na lamang sila sa kanyang biyenan.
“Napaka importante ng scholarship para sa aking anak. Lalo na at hindi kami kabilang sa mayamang pamilya,” wika ni Angeline. Hiling niya, maipasok man lang daw sana ang kanyang 12 gulang na anak na papasok na grade 7 sa nalalapit na pasukan.
Pagbabago at Tulong
Bukod sa scholarship, humihingi ng tulong ang mga nakapanayam ng LBTimes na maipabot sa kinauukulan ang kanilang hinaing tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Bea, hindi nito tunay na pangalan, “sana naman isala nang mabuti ‘yung mga pinipili, [dapat] ‘yong karapatdapat talaga. Hindi sana mismo [anak ng mga opisyal] ang pinipili at [dapat] mag house-to-house talaga [ang mga DSWD].”
Giit rin niya na dapat magkaroon rin ng mas mabusising background check, dahil marami umanong kasali sa 4Ps na mas may kaya sa buhay.
Tuloy-tuloy pa rin umano ang mga magulang na nakapanayam ng LB Times sa kanilang paghahanda para sa darating na pasukan. Ngunit gagaan ang ang kanilang suliranin, kung mapagbibigyan sila sa kanilang mga hiling para sa kanilang mga anak.