Isinulat nina Mary Grace B. Mercene at Marlu P. Parot
Pagkatapos ng halos dalawang taong lockdown, ang Los Baños National High School – Batong Malake (LBNHS-BM) ay muling nakilahok sa Brigada Eskwela. Nagsagawa ito ng kick-off ceremony noong Lunes, Agosto 8, sa Batong Malake Covered Court.
Tatakbo hanggang Agosto 26, ang aktibidad ay alinsunod sa Department of Education (DepEd) Memorandum Order No. 062, s. 2022 ukol sa 2022 Brigada Eskwela Implementing Guideliness.
Sinumulan ito ng panalangin na pinangunahan ni Dante B. Lapitan, Teacher III, at sinundan naman ng pag-awit ng Lupang Hinirang ni Evelyn Gonzalvo, Master Teacher I.
Nagbigay rin ng talumpati si Hon. Ian Kalaw, Barangay Captain ng Batong Malaki, upang hikayatin ang kumunidad na makilahok sa Brigada Eskwela.
Pagkatapos nito, isang pambungad na mensahe ang ibinigay ni Eva Marie S. Cambe, Public Schools District Supervisor, na nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng dumalo sa kick-off ceremony.
Si Dr. Evelyn P. Navia, Principal III ng LBNHS-BM, ay nagpasalamat rin sa lahat ng mga nakilahok sa pag-organisa ng aktibidad.
Inihandog naman ni Ludivina G. Bautista, Teacher III, ang lahat ng mga kalahok sa aktibidad.
Pagkatapos nito ay isang mensahe ng pagsuporta ang ibinigay ni Mark Henry C. Calderon, pangulo ng Parent-Teacher Association (PTA) ng LBNHS-BM. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at ipinangako niya ang buong suporta ng PTA sa bawat aktibidad ng paaralan.
Nagkaroon rin ng pledge of commitment na nilahukan ng local government unit, PTA, mga guro, at iba pang mga stakeholder at boluntir sa pamamagitan ng paglagda sa Commitment Wall.
Sinundan naman ng programa ng Zumba for a Cause na pinangunahan nina Julieta R. Magpantay, Ed.D., LPT, isang international dance fitness instructor at retired police major, at Jo Vic F. De Villa.
Ang Brigada Eskwela ay tradisyunal na programa ng Department of Education (DepEd) na naglalayong pulungin ang komunidad upang gawing ligtas at kaaya-ayang espasyo sa pagkatuto ang mga pampublikong paaralan.
May temang “Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-Aral”, ang Brigada Eskwela 2022 ay isinasagawa bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2022-2023 sa Agosto 22.