Ulat ni Jyasmin M. Calub-Bautista
Tinatayang humigit-kumulang sa P10 milyon ang halaga ng mga ari-arian ang nasira sa sunog na nag-umpisa noong gabi ng Oktubre 1 sa isang pagawaan ng vegetarian chicharon sa Brgy. Batong Malake, at kumalat sa katabing gusali ng Lopez Elementary School pati na sa bahay na kalapit ng pagawaan. Ito ay ayon sa spot investigation report na isinumite ng Los Baños Bureau of Fire Protection (BFP) sa tanggapan ni Mayor Anthony Genuino noong ika-2 ng Oktubre.
Nakasaad sa report na “totally damaged” ang one-story mercantile at processing building ng Vegetari Healthy Bites. Nasunog din ang limang silid-aralan sa ikalawang palapag ng Grade 2 Building ng Lopez Elementary School at ang bahagi ng bahay ng pamilya Lopez, na silang may-ari ng negosyo.
Ayon kay Lanie Menia, kasambahay ng pamilya Lopez, kumakain sila ng hapunan sa kanilang tirahan sa tapat ng processing area, nang mapansin ng isa sa kanila na umaandap ang ilaw sa dryer ng sitsaron. “Pagtakbo namin, wala na, malaki na ang sunog. Doon nagsimula, sa gitna, tapos papa-ganun ang hangin sa may school, kaya damay lahat pati school, pati yung bahay na [may] tulugan ng mga bata sa taas,” aniya.
“Nilabas na namin ang mga bata, saka yung matanda, humingi na kami ng rescue sa labas. Yung aming kapitbahay, tumawag na ng bumbero,” kuwento ni Menia.
Ayon kay Cesar Villanueva Lirio, Brgy. Public Safety Officer (BPSO) at Fire Volunteer ng Brgy. Batong Malake, nagbabantay sila ng palaro ng liga ng basketball sa barangay ng matanggap nila ang tawag.
“Pagpunta ko sa control, nakatanggap kami ng tawag na may nasusunog nga, so takbo kami, driver saka ako,” kwento ni Lirio. “Pagdating nami doon, ang laki na ng apoy,” aniya.
Kuwento ni Lirio, mabilis na natupok ang insulation foam sa kisame ng processing area, habang sumabog naman ang mga tangke ng LPG sa loob nito. Nahirapan din makapasok ang truck ng bumbero sa lugar dahil sa kitid ng daan at sa dami ng mga nakaparadang sasakyan doon.
“Kaya pagpasok [ng fire truck] namin, pinaatras pa namin, may van pa nga doon, pinalabas pa namin. Madaming nakaparadang sasakyan, kaya pinalabas pa namin, kasi ang laki ng truck. Pinasusunod namin yung tanker, [pero] hindi kasya doon sa loob,” dagdag ni Lirio. Ang malaking fire truck ng Brgy Batong Malake ay nagtungo sa Lopez ES upang apulahin ang sunog doon, habang patuloy ang mas maliit na fire truck sa operation nito sa mismong processing center ng Vegetari. “Eh syempre, maliit lang naman yung tangke ng tubig namin, [kaya] igib kami ulit, naka pitong igib kami,” paliwanag ni Lirio.
Ayon sa report ng BFP, bandang 6:30 ng gabi ng Oktubre 1 nang makatanggap ng tawag ang Los Banos Fire Station mula sa Brgy. Batong Malake tungkol sa nagaganap na sunog. Agad namang tumungo ang dalawang fire truck at duty crews nito sa lugar. Idineklarang nasa ikalawang alarma ang sunog bandang 7:00 ng gabi. Tumulong din sa pag-apula ng apoy ang mga bumbero at fire trucks mula sa Calauan, Sta Cruz, Bay, at Calamba, pati ang fire brigades ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) at International Rice Research Institute (IRRI).
Idineklarang “under control” ang sunog bandang 7:45 ng gabi, at fire out pagdating ng 8:00 ng gabi. Matapos nito, nagsagawa ng overhauling operation ang BFP hanggang ala-una ng madaling araw upang masigurong hindi na muling magsisiklab ang apoy.
Ayon sa public Facebook Page ng Lopez Elementary School, mayroong siyam na sections at 306 na mag-aaral ng Grade 2 sa paaralan.
Ayon naman kay Los Banos Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Cynthia Quintans, pansamantalang gagamitin muna ng paaralan ang kanilang activity area para sa mga apektadong klase. Handa naman daw ang municipal government upang agarang maipagawa ang nasirang gusali ng paaralan. NOTE: Sinikap ng LB Times na humingi ng pahayag kay Principal Rogel Barcenas ng Lopez ES, ngunit hindi ito nagpaunlak habang tinatapos pa ang kanilang imbestigasyon. Magbibigay ng update ang LB Times kapag nakakuha na ng pahayag sa kanila.
Sa pagtataya ni Arvin Kisig Lopez, may-ari ng Vegetari at restaurant na Satya Graha, hindi bababa sa PhP6 milyon ang nasirang mga kagamitan at ingredients ng kanilang negosyo. Kabilang na rito ang mga bagong equipment tulad ng mga fryer, dryer, at vacuum sealer, na nabili nila sa tulong ng Small Enterprises Technology Upgrading Program (SETUP) program ng Department of Science and Technology (DOST). Natupok din ang mga sangkap na iniipon sana nila para ibenta ngayong Pasko.
“So yung value nun, malaki yun, malaki yung nawala,” saad ni Lopez.
“Bukas magpa-planning ulit, anong gagawin with the challenge that we are facing,” sabi ni Lopez. Pag-uusapan ng kanilang team ang mga susunod na hakbang, ayon kay Lopez.
“Kasi syempre, hindi lang mga anak ko, asawa ko, kumbaga, marami kaming employees na umaasa syempre sa amin,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan ay may 15 na regular na empleyado ang Vegetari habang may dalawang empleyado naman ang Satya Graha. Bukod pa rito ang mga “extra” o pansamantalang manggagawa na tumutulong kapag maraming gagawing trabaho.
Paalala naman ni BPSO Lirio na kailangang mag-ingat at maghanda upang makaiwas sa sunog, lalo na ang mga food business.
“Kailangan laging safety, chinecheck lagi yung gamit nila doon, lalo na sa electrical, dapat yung mga plug, matanggal nila, kasi yun ang cause ng sa electric [fire], dun minsan nag-uumpisa,” paliwanag niya.
Dagdag ni Lirio, kailangan ay laging may angkop na fire extinguisher sa negosyo, at masanay ang mga taong gumamit nito. Kailangan ding siguruhin na walang tagas ang mga tangke ng gasul, at siguraduhing may lagusan ng hangin upang maiwasan ang pagsabog kung sakaling may pagtagas.