Ulat ni Marius Cristan Pader
Nagsagawa ang Kaya Natin! Youth Los Baños (KNY-LB) at Kaya Natin! Movement ng isang Book Reading and Giving sa Liceo de Los Baños, Nobyembre 21.
Pinamagatang “Lakbay Isip: Paggunita sa Araw ng Pagbasa”, ito ay isang inisyatibong pinangunahan ng Chapter ng KNY-LB upang ipagdiwang ang Buwan ng Pagbasa.
“In celebration of Buwan ng Pagbasa, nag-allot kami ng isang araw sa kids just to share Filipino-inspired stories with the hope na may mapupulot sila from those stories” sabi ni Janelle Ebron, Pangulo ng KNY-LB.
Dagdag pa niya na naniniwala ang kanilang organisasyon na mahalaga na mahubog ang kaisipan ng mga bata sa mga kwentong nag-uugat sa ating mga komunidad.
Nasa limampung mag-aaral ng Liceo de Los Baños, mula baitang 3 at 4, ang naging kalahok sa aktibidad.
Ang mga aklat na dala ng KNY-LB ay ipamimigay rin sa mga bata. “Sa kanila na rin ‘yung books… they will own it. Ang maganda rito ay hindi lang sa kanila mag-stay ang story. They can share it sa mga kapatid at kaibigan nila. At kapag nagpatuloy na itong mga sharings, mas mag-eecho ang mga stories na ito” paliwanag ni Ebron.
Ayon naman kay Ellie Visco, miyembro ng KNY-LB at isa sa mga nagbasa ng aklat sa mga bata ay “naging maganda ang pagprocess nila [ng mga bata] ng pagbasa”. Ayon sa kanya, masaya s’ya dahil naging aktibo ang mga bata sa pagbabasa.
Nagtapos ang pagbasa sa munting snacks na handog ng Kaya Natin! Movement.