Ulat nina Eunice Dianne Y. Algar at Mark Vincent R. Mercene
ITO ANG huli sa dalawang bahaging ulat na ito
BASAHIN ANG UNANG BAHAGI NG ULAT NA ITO
Binigyang diin ni Angelo Guiam, ang lead research ng Smarter Pest and Disease Identification Technology (SPIDTECH) ang kahalagahan ng mga kakayahan ng kanilang inobasyon. Ayon sa kanya, maliban sa nakakatulong ito sa mga magsasaka, higit din itong importante para sa isang bansa na hiwa-hiwalay ang kapuluan. Katulad na lamang ng Remote Monitoring Feature nito na mas pinapadali ang pagkolekta ng mga datos.
Positibo rin ang pagtingin ni Anda ukol sa app. Aniya malaking tulong ang maidudulot ng iba’t ibang teknolohiya tulad ng SPIDTECH sa agrikultura na isa sa mga mekanismo ng smart agriculture.
Ngunit mayroon ring mga pagsubok na kinakaharap ang paggamit ng mga modernong teknolohiya kagaya nito lalo na sa karamihan ng mga magsasakang ng masyadong techy.
Upang isulong ang paggamit ng SPIDTECH, ang grupo nina Guiam ay nagsagawa mula noong 2020 hanggang 2021 ng mga pagsasanay sa pakikipagtulungan sa 11 na unibersidad at kolehiyo mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas kung saan agrikultura ang pangunahing paraan ng pamumuhay: Luzon (Mariano Marcos State University, Isabela State University, Central Luzon State University, Mindoro State College of Agriculture and Technology, University of the Philippines Los Baños, at Bicol University), Visayas (Cebu Technological University at Western Visayas State University), at Mindanao (University of Southern Mindanao, Central Mindanao University, at University of Science and Technology of Southern Philippines).
Maliban sa mga mag-aaral at guro ng mga unibersidad, dumalo rin ang mga magsasaka, mananaliksik, manggagawa ng gobyerno at pribadong institusyon, agricultural technician, at extension worker mula sa mga lugar kung nasaan ito. Dito sila ay tinuruan kung paano gamitin ang SPIDTECH at kinuha rin ang kanilang mga komento at mungkahi para sa pagpapabuti ng app.
Naitala na umabot sa 7,400 ang nag-download ng SPIDTECH mula March 2019 hanggang July 2021 kung saan nakatanggap ito ng 4.8/5 na user review rating. Sa nasabing panahon ay nagkaroon ito ng 5,600 na registered user mula sa 81 na probinsya sa Pilipinas kung saan 266 na bagong user ang nadadagdag kada buwan. Sa kasalukuyan ay umaabot nang higit pa sa 8,000 ang mga identification request ng app para sa iba’t ibang pananim na pinaggagamitan nito.
Mga Suliranin ng SPIDTECH
Gayunpaman, ayon rin sa resulta ng feasibility study na ginawa nila, karamihan ng mga camera na ginagamit ng mga user ng SPIDTECH ay hindi kayang kuhanan nang malinaw na litrato ang mga maliit na peste kung kaya nahihirapan ang app na makilala ito. Dagdag pa rito ay hindi lahat ng mga peste at sakit na meron ang Library Feature ay nasasakop ng Identification Feature nito kung saan 71 na peste at 63 na sakit lamang mula sa 104 na peste at 83 na sakit sa Library ang nakikilala ng app. Ito ay dahil sa mahirap kuhanan ng datos ang ilan sa mga ito lalo na ang mga maliit na peste at ang halos magkakamukha na sakit.
Sa pananaw naman ni Anda, isa sa mga posibleng problema sa paggamit ng SPIDTECH ay maaaring maranasan ng mga nakakatandang magsasaka. “‘Yun ‘yung nagiging gap, kasi pagdating sa technology, parang naiiwanan sila. Maganda rin sana kung ma-train natin yung mga oldies. Kasi ‘yung ating mga magsasaka, talagang medyo may edad na sila, ‘yung mga batikan na talaga. Sila ‘yung number one beneficiary ng mga ganitong technology.”
Pinatotohanan din ni Guiam ang pagsubok na nabanggit. Ayon din sa kanya ay may ginagawa na ang Project SARAI upang matugunan ito kung saan nakikipagtulungan sila sa mga Local Government Unit upang maituro sa mga magsasaka ang paggamit ng SPIDTECH. Patuloy din nilang pinapaintindi na ang mga peste at sakit ng pananim ay hindi lang problema ng isang indibidwal na sakahan kundi ng buong komunidad kung saan ito parte. Ito ay dahil sa kakayahan ng mga peste at sakit na magparami at magpalipat-lipat. Kaya naman layunin din ng app na masuri at makita ang mga trend ng mga peste at sakit ng pananim sa Pilipinas.
Nabanggit din ni Guiam na ang pagsubok na kinakaharap ng SPIDTECH ngayon ay ang kakulangan ng karagdagang pondo upang maipagpatuloy ang proyekto at mapaunlad pa ang app lalo na at may pakiusap ang mga gumagamit nito na dagdagan pa ng iba pang pananim na puwedeng paggamitan at ibang version para sa iba’t ibang device.
Tunay na malayo pa ang kayang marating ng SPIDTECH. Ngunit klaro na sa kasalukuyan kung gaano kahalaga ito. Ayon kay Guiam ay nagsisilbing batayan ang app na ito sa larangan ng pananaliksik sa agrikultura kung saan pinapakita nito na posible ang mga ganitong proyekto. Nagbukas din ito ng pinto para sa ibang mga mananaliksik na siyasatin pa kung ano ang smart agriculture at ano ang maitutulong pa nito sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura lalo na sa mga magsasaka, ayon pa sa kanya.
Ang ulat na ito ay orihinal na nailimbag sa wikang Ingles sa FlipScience.ph.
Panoorin and dokumentaryong ito: