PAGKAMPAY SA LAOT NA LUSAK: Lawa ng Laguna at Kabuhayan

Ulat nina John Warren Tamor, Neisel Lyca Petiza, at Justine Alcantara

ito ang una sa dalawang bahaging ulat

BUHAT-BANGKA. Tulong-tulong ang mga miyembro ng FARMC sa Bay, Laguna sa mga pang araw-araw na gawain sa baybayin ng lawa.

Sa tatlumpu’t apat na taon niyang pagbabanat ng buto sa Lawa ng Laguna, si Cornelio Replan, ang tagapangulo ng Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) sa Bay, ay ngayon lang nakaranas ng pagsubok sa pangingisda. Sa tingin niya ay bunsod ito ng polusyon na nakakapagpababa sa sigla ng Lawa.

“Hindi sapat sa pang araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya [ang nahuhuli namin]. Kumbaga, sumusugal lang kami ngayon,” aniya nang ilarawan niya ang pakikipagsapalaran ng mga mangingisda sa Lawa.

Ano nga ba ang kalagayan ngayon ng Lawa ng Laguna?

Isang grupo ng mga siyentista mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang sinubukang mag-ambag sa pagsagot sa tanong na iyan sa kanilang pag-aaral na nailathala sa Acta Medica Philippina noong 2021.

Sa pangunguna ni Carmela Jhoy Mercado, sila ay nagsagawa ng pananaliksik ukol sa bioaccumulation o ang pagkaipon ng heavy metals sa mga tilapia sa Lawa ng Laguna na maaaring maging sanhi ng kanser, pagkalason, at iba pang mga sakit sa tao. Nakakaapekto rin ito sa kalusugan ng mga isda at sa balanse ng kalikasan.

Nalaman nilang hindi pa naman mapanganib ang lebel ng heavy metals sa mga tilapia. Ngunit para sa kanila ay senyales ito na dapat nang pagtuunan ng pansin ang pangangalaga sa Lawa ng Laguna upang hindi ito tuluyang masira.

Buhay at Kabuhayan

Ang Lawa ng Laguna o Laguna Lake ang pinakamalaking lawa sa buong Pilipinas at pangatlong pinakamalaking sa Timog-Silangang Asya. Dala ng laki nito ang dami ng Pilipinong nakasalalay dito para mabuhay. Tinatayang 13 na libong mangingisda ang nakadepende rito para sa kanilang kabuhayan ayon sa Laguna Lake Development Authority. Hindi pa kasama rito ang kabuuang populasyon ng NCR at Rehiyon IV-A na sinusustentuhan nito ng pagkain at tubig.

Ayon sa dati pang mga pag-aaral, nasira ang kalidad ng tubig sa Lawa sa nakalipas na mga taon dahil sa mga basura at dumi galing sa lokalidad at mga industriyal at agrikultural na institutsyong nakapalibot sa Lawa.

May kaparehas na hinaing ukol sa epekto ng polusyon sa kanilang kabuhayan ang kasama ni Replan na si Severino Garcia Jr., ang pangalawang tagapangulo ng FARMC.

Aniya, “Ang aming panghuhuli parang sakit ng tiyan, malamang ang wala, kesa meron.”

Bagaman pansin nila ang paglabo ng tubig sa lawa at ang fishkill na madalas nangyayari lalo na sa panahon ng tag-init, inamin ng mga mangingisda na hindi nila pansin ang bioaccumulation.

Ani Replan, “Basta ang alam namin, nanghuhuli kami at kinakain. Pero noon, nabalitaan na namin yung mayroon nga na kumakalat na lason, pero wala kaming nararamdaman. Hindi kami nagkakasakit. Ang nararamdaman lang namin, pag walang nahuhuli, gutom.”

Ayon naman sa isa pang mangingisda na si Ruben Amatorio, “Nawala na kasi yung mga damuhan na tinitirhan ng isda, yung mga halamang dagat, nawala na iyon. Lumabo na kasi yung dagat. Sa panahon ngayon, maraming nalalasong isda kagaya ng kanduli. Kung mababalitaan ninyo, magmula Sta. Rosa hanggang Bay ay maraming naglutang na kanduli. Hindi namin alam ang dahilan kung paano at bakit namamatay.”

Binigyang linaw ang problemang ito ng pag-aaral nila Mercado.

Basahin ang pangalawang bahagi ng ulat na ito: PAGKAMPAY SA LAOT NA LUSAK: Pangangalaga sa Lawa ng Laguna

PANOORIN