Ulat ni Christian Dave Caraggayan
Walang iniindang bayarin sa upa. Libre. Praktikal. Mas tipid.
Ganito kung ilarawan ng ilang mga residente na naninirahan sa Brgy. Anos, Los Baños ang kanilang mga rason kung bakit mas pinili nilang itayo ang kanilang mga bahay malapit o sa gilid ng creek. Mas importante para sa kanila ang libreng tahanang masisilungan kahit kapalit nito ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang pamilya.
Dala na rin ng kakapusan sa buhay, malaking bagay para sa mga residenteng ito ang magkaroon ng tirahan na libre. Anila, imbes na iisipin pa ang pagbabayad sa renta, itutuon na lang nila ito para sa kanilang tubig, kuryente, at pagkain.
Karamihan sa mga padre de pamilya na nakatira sa gilid ng creek ay mga minimum- wage earners. Nagsisilbi namang taga-pangalaga ng mga anak ang kanilang mga asawa. May iilan ding mga nakakapagtayo ng maliliit na negosyo gaya ng sari-sari store, mga nagtitinda ng meryenda, at ang iba naman ay nagtitinda ng bulaklak o kandila sa sementeryo.
Mapapansin din ang mga sementadong bahay at establisyemento malapit sa creek sa bahagi ng sementeryo. Hindi tulad ng ibang mga residente, may titulo ang kanilang mga lupa kaya naman malaya silang magtayo ng negosyo gaya na lamang ng punerarya, paggawa ng mga lapida, at pagtitinda ng bulaklak.
Sa datos ng Brgy. Anos, nasa mahigit 100 na mga indibidwal ang naninirahan sa gilid ng creek, partikular na ang Saran River na dumadaloy mula sa municipal dumpsite patungong municipal cemetery na matatagpuan sa Brgy. Anos hanggang makalabas ito sa bahagi ng Laguna de Bay sa Brgy. Malinta.
Kabilang na rito si Nanay Emy, 53, na nagtitinda ng bulaklak sa Anos Bridge kung saan dinadaluyan din ng Saran Creek. Mahigit dalawang dekada nang dito nakapwesto ang negosyo ni Nanay Emy dahil bukod sa malapit ito sa sementeryo, wala rin silang binabayarang upa sa kanilang pwesto dahil nakatayo ito mismo sa gilid ng tulay na ilang metro lamang ang layo sa creek.
Kalusugan at Kaligtasan
Malaki pa rin ang pangamba ni Nanay Emy sa kinatatayuan ng kanilang negosyo,“dati anong bagyo yun kung Ondoy ba na umapaw yung tubig. As in naging dagat yan, bukas kami noon at nagulat nga kami na lumakas yung tubig.”
Nitong mga nakalipas na bagyo at malalakas na pag-ulan, tuloy pa rin ang kanilang pagtitinda ng bulaklak dahil ito lamang ang kanilang pinagkakakitaan. “Kahit naman umuulan bumabagyo eh araw-araw kaming bukas basta wala lang malakas na hangin kasi nasisira yung mga paninda namin, wala kaming holiday,” dagdag pa ni Nanay Emy.
Nangangamba rin ang ilang mga residente sa kanilang kalusugan dahil sa mga posibleng sakit na maaari nilang makuha lalo pa at mga bata at matatanda ang karamihan sa mga miyembro ng kanilang pamilya.
Bukod sa kalinisan at kalusugan, problema rin nila ang pagtaas ng tubig sa mga creek tuwing may bagyo at malalakas na pag-ulan. Bagama’t hindi direktang naapektuhan ang kanilang mga bahay, agad silang pinalilikas kung umabot na sa lima at anim na metro ang taas ng tubig.
“Hanggang dun pa lang sa number five yung tubig, lumilikas na yung mga tao. Pag nag six yan, ibig sabihin nyan mataas na ang tubig,” saad ni Eduardo Palis na isang Brgy. Tanod na syang nagbabantay sa creek malapit sa dating Barangay Hall ng Anos.
Sa mga nakalipas na bagyo at pag-ulan, walang naiulat na nasawi o nasugatan. Ayon sa mga residente, sumusunod naman sila sa utos ng Barangay kung kinakailangan silang palikasin. Ngunit hindi nakakaligtas ang kanilang mga bahay mula sa pag-ulan at malalakas na hangin dahil nililipad ang kanilang mga bubong. Gawa sa mga light-weight materials ang karamihan sa mga bahay.
Programa ng Pamahalaan
Upang patuloy naman na mapangalagaan ang kalinisan sa mga creek, nagsasagawa ang Barangay ng weekly clean-up drive katuwang ang Barangay Police Security Officer o BPSO, volunteers, at mismong mga residente. Makatutulong ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga sakit gaya na lamang ng dengue.
Saad naman ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Los Baños na mahalaga ang gampanin ng mga residente sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga creek. “Meron din tayong program na TUPAD, pwede natin silang i-instruct na maglinis ng creeks, ng riversides, ayun yung ginagamit naming power kasi kami wala kaming manpower na linisin yon with ourselves so ginagamit namin yung mga projects na yun para malinis yung creeks,” ayon kay MENRO Administrative Aide Manuel Ramirez.
Iginiit din ng Municipal Urban Development and Housing Office (MUDHO) ng Los Baños na may inihahanda nang relocation program para sa mga residenteng naninirahan malapit o sa gilid ng creek.
Kabilang na rito ang ilang mga residente ng Brgy. Anos na nakatira malapit sa Anos bridge at iba pang parte ng barangay na dinadaluyan ng Saran creek. Ayon kay Brgy. Anos Secretary Mary Joy Tejada, itinuturing ang kanilang tirahan bilang parte ng danger zone.
“Lahat po ng ISF (Informal Settlers Families) natin, basta underprivileged po sila. Nasa danger areas, waterways, nasa shoreline po, yung mga hindi affored makabili ng bahay, intended po talaga sakanila yung relocation program,” saad naman ni MUDHO Representative Karen Joy Coronado.
Dagdag din ng ilang mga residente, malaki ang maitutulong ng relocation program ng lokal na pamahalaan ng Los Banos lalo na sa mga pamilyang nainirahan sa gilid ng creek na walang mga titulo ang lupa. Matatagpuan ang ilan sa kanila sa Marymount village.
“Eh kung maisama man kami sa pabahay magpapasalamat pa kami kasi hindi na kami mamomroblema sa paglikas pag nataas ang tubig,” giit ni tatay Anthony na nakatira sa gilid ng creek.
Ayon sa MUDHO, dadaan pa sa proseso at susuriin muna ang mga residente kung kwalipikado nga bang makatanggap ng pabahay mula sa pamahalaan. Ipinaalam din ni MUDHO Representative Coronado na wala pang pinal na lokasyon para sa relocation site ng mga pamilyang naninirahan sa mga danger zone. Aniya, makakaasa naman na sila’y bahagi at magiging benepisyaryo ng relocation program ng pamahalaan basta’t pasok sa kwalipikasyon nito.
Para sa mga residente, gustuhin man nilang humanap ng ibang matitirhan, hindi na nila makakaya pang magbayad ng malaking upa. Sapat na para sa pang araw-araw nilang pangangailangan ang perang kinikita nila mula sa pagtatrabaho. Nagsimula pa sa kanilang mga magulang, lolo, at lola ang paninirahan sa gilid ng creek kaya mas pinili na nila ritong bumuo rin ng pamilya.
Kung mabibigyan man sila ng pagkakataong mapagkalooban ng pabahay ng pamahalaan, malaking bagay na ito para sa kanila dahil sa huli ang kaligtasan, seguridad, at kalusugan ang kanilang prayoridad para sa kanilang pamilya.