Ulat nina Coleen Andoy, Jairus Bellen, at Ara Mendoza
PANGHULI SA DALAWANG BAHAGING ULAT
BASAHIN ANG UNANG ULAT
Sa bayan ng Calamba, ang Gender and Development (GAD) ay may layunin tungo sa pag-unlad ng mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng empowerment sa mga kababaihan, pagkakapantay-pantay, napapanatiling malaya sa karahasan, gumagalang sa karapatang pantao, sumusuporta sa pagpapasya sa sarili at pagsasakatuparan ng mga potensyal ng tao.
Iginigiit ng GAD na ang mga kababaihan ay aktibong ahente ng pag-unlad at hindi naghihintay lamang ng tulong. kaya hinihikayat nito na palakasin ang mga ligal na karapatan ng kababaihan sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng kanilang mga sarili at pagsali sa mga prosesong pampulitika.
Dahil dito, nailunsad ang proyektong ‘Juana Makes Change’ kung saan naglalayon itong mabigyan ng mga trabahong tradisyunal na panlalaki, gaya ng pagmamaneho ng e-trikes, sa mga kagaya ni Mhar.
“…Hindi natin tinitingnan kung anong sekwalidad or biological o sinasabi nating sex ng isang tao, kundi sa kanyang kakayanan, sa kanyang talino, at sa galing. Kesho s’ya ay babae, lalaki, LGBT, tomboy, lesbian, or trans, tatanggapin natin lahat yan. Basta may utak, kakayanan, at dedikasyon sa trabaho, tatanggapin natin ‘yan. Wala tayong iiwanan pagdating sa ganyang aspeto,” ayon sa kanilang program head na si Adrian Layao.
Ang Lugar ng Kababaihan
Ayon sa kanilang Administrative Officer na si Neriah Talatala, ang pagmamaneho ng PUV ay isa sa trabahong panlalaki. Ngunit, naniniwala sila na ang lahat ng kayang gawin ng lalaki ay maaari na ring gawin ng babae kahit pa minsa’y may limitasyon.
“Ang gagawin natin kung hindi natin kayang i-upgrade ang katawan natin para magawa yung ginagawa ng kalalakihan, yung mga tools na ginagamit natin ay iaakma natin dun sa kakayahan ng babae kaya naisip yung e-trike,” ayon kay Talatala.
Dagdag pa niya ay dapat mawala na ang kaisipan na ang GAD ay para sa kababaihan lamang dahil ang hangad naman nito ay pantay na serbisyo para sa lahat – maging sino ka man.
“Kung hindi mo siya uunawain maigi, parang ang dating papalitan mo ng babae yung lalaki so tinanggal natin yung kaisipan na mayroong kompetisyon between men and women. Pinakita lang po natin sa kanila na kung merong pagkakataon na madevelop ang skills at kakayanan ng lalaki, ang babae dapat rin.”
Patuloy ang GAD sa pagsasagawa ng mga proyekto at programa na talagang magiging kapaki-pakinabang lalo na sa mga kababaihan. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng pag-angat sa mga kababaihan, sunod na makakamit ang pagkakapantay-pantay sa parehong kasarian. Hangad din nila na madagdagan pa ang pagbubukas ng mga oportunidad, tulad ng mga non-traditional jobs, para rin sa mga kababaihan.
Para maisagawa ang ganitong layunin, laging bukas ang GAD sa mga konsultasyon kasama ang iba’t ibang grupo upang alamin ang mga angkop na pangangailan nila, lalo na sa usaping pangkabuhayan. Ito ay dahil sa mahirap umisip ng mga programang hindi nagmula sa boses ng mga taong nangangailangan nito.