MAGING SINO KA MAN: Kakayanan, Hindi Kasarian

Ulat nina Coleen Andoy, Jairus Bellen, at Ara Mendoza

UNA SA DALAWANG BAHAGING ULAT

ARANGKADA, BABAE. Larawan ni Maricel “Mhar” Gipal sa tabi ng kaniyang E-tricycle unit sa
kanilang terminal sa munisipyo ng Calamba, Laguna.

BASAHIN ANG PANGALAWANG BAHAGI NG ULAT

Sa kasalukuyan, ang hamon sa pagkakaroon ng agwat sa kasarian sa Pilipinas ay unti-unti nang kumikitid. Isang malaking salik sa pagbabagong ito ay ang mga programang inilulunsad ng mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang pagkakapantay ng oportunidad sa trabaho maging sino ka man.

Isa sa mga nakikipagsapalaran sa mga kalsada ng Calamba ay si Mhar, benepisyaryo ng Juana Makes Change, isa sa mga programa ng Gender and Development (GAD) ng lokal na pamahalaan ng lungsod na naglalayong magbigay ng alternatibo at eco-friendly na mapagkukunan ng pangkabuhayan para sa mga kababaihan sa lungsod.

Dahil sa nasabing programa ay natutustusan ni Mhar ang pang araw-araw na pangangailangan niya bilang isang e-trike driver. Bago naging e-trike driver, si Mhar ay naging tricycle driver at barangay tanod din nang isang taon sa Barangay Bañadero. Ngunit nang malaman niya na may ganitong programa ng GAD, agad din n’yang sinubukan ang oportunidad ng Juana Makes Change. Aniya, mas maayos ang nagiging takbo ng kanyang hanapbuhay ngayon kung ikukumpara sa dati n’yang trabaho.

“Dito, unang-una sa lahat hindi ako masyadong pagod, medyo malaki yung income…Okay na yung sahod.”

Sa pagpasok sa programa ng GAD, naging madali para kay Mhar na maipagpatuloy ang pagiging PUV driver kahit na ito ay non-traditional job na madalas na itinataguyod ng mga kalalakihan.

Pagkilala sa Dibersidad ng Kasarian

Nang tanungin kung nakaranas na ba siya ng diskriminasyon sa paghahanap ng trabaho, ani Mhar, “…Base sa experience ko hindi naman ako na reject sa isang trabaho dahil sa kasarian ko. Hindi ko pa ‘yun naranasan. Ilang taon na akong nagtatrabaho. Depende na lang talaga sa kakayanan mo kung kaya mo naman yung trabaho bakit titingnan nila kung tomboy o bakla ka ‘di ba? ‘Yun yung experience ko sa sarili ko.”

Si Mhar lang ang babaeng e-trike driver ng Calamba. Bukas naman ang kanyang kasamahang e-trike drivers ukol sa pantay na oportunidad sa trabaho hindi alintana sa kasarian. Nabahagi nila na sila ay naging kalahok sa mga Gender Sensitivity Training (GST) ng GAD Office ng Calamba.

SUPORTA. Nagpahayag ng suporta kay Mhar ang kanyang mga kasamahang e-trike driver.

Nagbahagi ng kanyang mga natutuhan dito ang kasamahan ni Mhar na si Ruel. Aniya, “Igalang ang babae katulad ng mga nasa lansangan na bawal sipulan, o bawal kindatan, o kuhanin ang number…”

Naniniwala rin ang mga e-trike drivers na pag dating sa trabaho ay dapat nasa kakayahan ng isang tao ang batayan at hindi lang sa kasarian.“…As long as kaya n’ya ang trabaho, okay lang kasi may mga lalaki din na hindi nila gusto trabaho nila eh, yung patamad-tamad ganon, na mas kayang gawin naman ng isang LGBT,” ayon kay Tyrone.

Samantala, pinuri naman si Mhar ng isa pa niyang kasamahan na si Yuri, “Nakakaproud po. Kasi marunong siyang makisama.”

Bilang isa ring miyembro ng LGBTQIA+ community, para kay Mhar, mahalaga rin na bigyan ng pantay-pantay na karapatan at oportunidad ang lahat ng kasarian sa lipunan. Naging madali man ang proseso niyasa pagpasok sa ganitong uri ng hanapbuhay, si Mhar ay naniniwala na maaaring hindi ganito ang karanasan ng lahat, partikular na ang kanyang kapwa LGBTQIA+

“Hindi rin naman kasi natin masasabi yung isip nila, yung utak nila. Basta kami, kung ano yung tama, wala naman kaming ginagawang masama, tuloy pa rin kami. Ito kami eh. Ganito kami hindi kami magbabago dahil ayaw niyo. Ito kami, ‘di ba?”

 Agwat sa Kasarian

Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), patuloy nang kumikitid ang gender gap o ang agwat sa pagitan ng mga lalaki at babae sa Pilipinas. Noong 2022, ang kabuuang porsyento ng gender parity ay tumaas mula sa 67.9% kumpara noong 2020 at 2021. Ang mga datos na ito ay mula sa Global Gender Index Gap 2022.

Gayunpaman, sa kabila ng bumubuting mga datos ng kaunlaran, giit ng PCW ay mahalagang mapanatili ang mabuting estadong ito at malampasan pa ito sa mga darating na taon. Kaya naman mahalagang ipagyababong pa ang gender equality sa bansa.

Sa mga lumalalang krisis pang-ekonomiya, hangad ay matagumpay na maisulong ang tunay na pagkakapantay-pantay ng kasarian. Hindi lamang sa trabaho, kundi pati na rin sa pang-kabuuang sitwasyon, kung saan nakararanas pa rin ng diskriminasyon at opresyon ang ating mga kababaihan at miyembro ng LGBTQIA+. Ito ay dahil lahat tayo ay may karapatan na tingnan higit pa sa ating kasarian.