”Power, Will, and Determination” ang mga PWD ng San Antonio, Los Baños

Ulat nina: Edel Agarao, Zen Igaya, Leah Sagaad, Thea Peredo, Gelo Del Prado, Daph Encinares

Kuha ni Charlene Esteban. PATULOY ANG BUHAY: Panayam kasama si Jeanette Ilagan, Presidente ng Persons with Disabilities Federation sa Barangay San Antonio, Los Baños, Laguna. Ibinahagi ni Ms. Jeanette ang kaniyang mga karanasan bilang lider ng kanilang komunidad.

‘Ang pagkakaroon ng kapansanan ay hindi kailanman magiging hadlang sa pagtupad ng mga tungkulin at gawain sa araw-araw.’

Ito ang diwang isinasabuhay ni Jeanette Ilagan, presidente ng Samahan ng PWD sa Barangay San Antonio, Los Baños. Para sa kaniya, ang pagkabulag ay hindi naging handlang at pasakit, bagkus nagbigay pa ng lakas ng loob upang magpatuloy siya sa buhay. 

Lumaki si Jeanette na maraming kasanayan at pinagkakaabalahan. Kasama ang kaniyang ina na dressmaker, gumuguhit at nagtatahi siya ng mga disenyo ng mga damit. Malalim din ang karanasan niya sa pag-aayos ng buhok at make-up. Siya rin ay nakapag-aral ng nursing, ngunit hindi na niya ito propesyonal na napakinabangan dahil sa maagang pag-aasawa at anak. 

Isang pagsubok ang humamon kay Jeanette noong unti-unting lumalabo ang kaniyang paningin pagtungtong niya ng 45 taong gulang. Makalipas ang mahigit 15 taon, kinakaharap ni Jeanette ang pagkabulag. 

“May high myopia ako sabi ng doctor before, pero parang sa ngayon iba na ‘yong findings hindi lang pala retinal detachment.” Kwento ni Jeanette. “Spontaneous siya, biglang bumitaw ‘yong retina doon sa lagayan niya.” Tuluyan nang tinanggal ang kaliwa niyang mata samantalang regular na inoobserbahan ang kanan dahil unti-unti padin ang pagkabulag nito. 

Sa kabila ng kapansanan, patuloy pa rin ang buhay ni Jeanette sa edad na 62.

Kuha ni Charlene Esteban. PAGHILOM: Sa kabila ng kaniyang kapansanan, malugod na inulat ni Jeanette ang pagharap niya sa mga hamon ng kaniyang sitwasyon.

Power, Will, Determination 

Kasabay ng unti-unting pagkawala ng kaniyang paningin, ang pagkapukaw ng kaniyang kakayahan sa pamumuno. Dito niya napagtantong sumali sa Samahan ng PWD sa baranggay kung saan nailuklok siya bilang presidente. 

Ngayong April 23, magdiriwang ang samahan ng kanilang ika-14 taong anibersaryo. Gayundin ang lagpas isang dekadang serbisyo ni Jeanette bilang presidente, sapagkat magpahanggang ngayon ay sa kaniya ipinagkakatiwala ng mga miyembro ang pamumuno. 

Isa sa mga nais niyang simulang proyekto ang orasyon na pinamagatan niyang “Sino ka bilang isang PWD?” Layon ng proyekto na bigyan ng boses ang mga PWD na gustong ipahayag ang kanilang karanasan sa harap ng nakikinig na madla. Siya ay nasasabik sa katuparan ng proyektong ito. 

Gaganapin ngayong Hulyo 17-23 ang National PWD Week. Ayon kay Jeanette, mayroon nang nakalaang pondo ang Barangay ng San Antonio para sa pagdiriwang nito. Pagkakataon ito ng samahan na ipakita at ipagdiwang ang “Power, Will, Determination” na aniya ay mga salita na naglalarawan sa kanilang mga miyembro. Naniniwala siyang simbolo sila na walang kapansanan ang pipigil sa taong may lakas ng loob, kagustuhan, at determinasyong mamuhay ng maluwalhati. 

Hamon sa samahan

Ngunit sa kabila nito, hirap pa din ang samahan na palakasin ang aktibong partisipasyon ng kanilang 600 miyembro sa barangay. Sa dami nila, mahigit 10-20 sa mga miyembro lamang ang masasabing aktibong nakikilahok sa mga programa at proyekto ng samahan.

Isa ito sa mga hamong kinakaharap ni Jeanette bilang kinatawan ng samahan. Hinihikayat niya na ipagmalaki o ipakita ng kanilang miyembro ang kanilang mga karanasan sa pamamagitan ng mga programa at proyektong pinaplano ng komunidad. Ngunit maging sila man ay may kaniya-kaniyang kadahilanan. 

Hindi naging ligtas sa diskriminasyon si Jeanette, lalo na sa usaping trabaho at posisyon. Sa kabila ng mga negatibong karanasan, patuloy pa rin siya sa serbisyo at paglilingkod sa komunidad.

Mayroon din kasing mga persons with disabilities na hindi nila naiintindihan,” mungkahi ni Jeanette. Hiling niya ay “imbis na magpagalingan, magtulungan.” Isa sa mga nakikita niyang rason kung bakit hirap pa rin ang mga katulad niyang PWD ay ang kakulangan ng PWD-friendly na mga pampublikong estrukturang pisikal at sosyal. 

Bukod sa kahirapang pisikal na dinaranas ng mga PWD, ang kanilang mental na kalagayan ay hindi din pinagtutuunan ng pansin. Kaya marami sa kanila ang hindi aktibong mga miyembro. 

“Subukang tumayo kasi ‘di ka babagsak”

Kaakibat na ng buhay ang pagsubok, ngunit lagi’t laging nahahanapan ng paraan ni Jeanette ang mga hamong ibinabato sa kaniya. Ang kakayahan niya sa pagdidisenyo at pagguhit ng mga damit, paggugupit ng buhok, at pagiging make-up artist na nagraos sa kanilang pamilya noong malinaw pa ang kaniyang paningin, ilan dito ay kaya niya pang gawin ngayon. Hindi din niya itinigil ang pagluluto, at kahit ngayon nagtuturo pa din siya kung paano lutuin ang ilang putahe sa kaniyang sekretarya sa samahan.

Malaki ang pakinabang para sa kaniya ng mga kakayahang ito at hindi doon tumitigil ang kaniyang kagustuhan na matuto pang gumawa ng maraming bagay. kaniyang inaasahan na magbibigay ito ng inspirasyon sa kapwa niyang PWD. 

Ayon sa kaniya hindi katapusan ang pagkakaroon ng kapansanan. “Lagi kong sinasabi na it’s not the end kasi paggising mo may umaga ulit,” paglalahad ni Jeanette. Gayunpaman, bukas siyang tumanggap ng tulong sa kaniyang mga pinagkakatiwalaan. 

Isa sa kasangga ni Jeanette bukod sa kaniyang pamilya, ang kaniyang sekretarya sa samahan na si Aling Mercy. Hindi siya PWD ngunit may karanasan siyang mag-alaga ng isang PWD—ang kaniyang yumaong anak ay miyembro ng samahan. Ngayon ay nagsisilbi siyang kanang kamay ni Jeanette.