CAREER EXPO 2023: Trabaho Oportunidad Negosyo idinaos bilang selebrasyon para sa women’s month

Ulat ni Marian Carpio 

Binigyang pansin ang usapin ng kababaihan at trabaho sa kauna-unahang Career Expo ng Bagong Los Baños noong nakaraang Marso 23 at 24, sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO) at Gender Development Office at Munisipalidad ng Los Baños. 

Ayon kay Paolo Dizon, focal person ng PESO Los Baños, layunin ng aktibidad na magbigay impormasyon sa kalagayan ng mga kababaihan sa larangan ng empleyo.

Para sa unang araw ng aktibidad, ibinida ang husay ng mga babaeng negosyante sa diskusyon kasama ang dating Regional Director ng Department of Trade and Industry (DTI) CALABARZON na si Marilou Q. Toledo, at ang mga kababaihang local business owners ng Los Baños na sina Pannie Sapitan ng Pannie’s House of Beauty, Trinidad Madriaga ng Trima Couture, at Ana T. Papag ng Ann’s Fab Kitchen.

Sa ikalawang araw, nagkaroon naman ng mga talakayan tungkol sa mga kababaihan sa employment scene, partikular sa pagiging lider sa trabaho at ang partisipasyon ng mga kababaihan sa labor market. Pinangunahan ang mga diskusyon ng mga tagapagsalitang sina Vice President Tonichi Parekh ng Concentrix Philippines, Senior Labor and Employment Officer ng Department of Labor and Employment (DOLE) CALABARZON na si Jorge Manuel C. Laude, at Associate Vice President ng GCash na si Cathlyn Dolor Pavia. 

Ayon kay Dizon, bagaman at maituturing na tagumpay ang kaunahang paglulunsad ng ganitong aktibidad, marami pa ring mga isyu ang kailangan ayusin sa usapin ng trabaho at hanapbuhay.

Dagdag pa niya, “hindi lang dapat magpunta ang mga tao para mag apply. Kailangan nilang maging equipped with the information para sa papasukin nilang labor market.”

Aniya, isang hakbang dito ay ang alamin ang pangangailangan hinggil sa trabaho ng mga taga-Los Baños base sa datos na makukuha nila sa isinagawang Career Expo.

Kuha ni Marian Carpio – Mga estudyante ng Bayog at Los Baños Senior High school para sa “Life Skills Responding to the Demands of Industry 5.0”

Sa pakikipagtulungan din kasama ang Department of Education (DepEd), inimbitahan ang mga piling senior high school na estudyante mula sa mga pampublikong paaralan ng Los Baños upang bigyan sila ng ideya tungkol sa mga posible nilang tahakin pagkatapos ng senior high school. 

Kasabay naman ng job hiring na isinagawa ng nasa 30 na kumpanya, nagkaroon din ng libreng livelihood training sa tulong ng mga barangay coordinators. Ilan sa mga itinuro ay tungkol sa food processing, perfume making, crochet making, jewelry at bracelet making at marami pang iba.

Kuha ni Marian Carpio – Aplikanteng dumalo para sa job fair

Tinatayang nasa isang libong tao ang dumalo sa Career Expo 2023.