Ulat ni Dave Sy
Muling mag-iikot sa mga daycare center ang Mobile Dental Clinic ng Los Banos upang magbigay ng dental services at information sa mga kabataan ng munisipalidad mula Abril 11 hanggang 30.
Sa programang ito, aakyat ang mga bata sa isang truck upang makapasok sa klinika na mayroong ilang mga instrumento at kagamitan para sa kanilang dental check-up.
Pinangungunahan ang programa ni Dra. Catalina Agnes Eala kasama si Dra. Ella Pangga at Dr. Shernan Silo. Ayon kay Pangga, may nakatalagang mga barangay sa bawat dentista ng health office na kanilang pupuntahan upang pagserbisyuhan. Si Eala ay nakadestino saMayondon at Bayog, at si Silo nama’y nasa Batong Malake at Putho-Tuntungin.
Si Pangga ay maglilibot gamit ang mobile dental clinic sa Anos sa Abril 11, sa Bambang sa Abril 12, at Baybayin sa Abril 13. Susundan ito nang kanyang pagtungo sa Lalakay sa April 17, Malinta sa Abril 19, Timugan sa Abril 21, at sa huli’y sa Tadlac sa Abril 24.
“Ang goal…syempre as much as possible lahat ng estudyante, lahat ng pupils. Hindi naman malayong ma-achieve iyon kasi ang enrollees naman per (daycare) ay manageable,” pahayag ni Pangga.
Subalit, nangangamba ang dentista sa sari saring mga isyu na maaaring kaharapin sa oras ng pagseserbisyo
“(Problema din) kung ma-susustain ‘yong availability ng supplies, “ dagdag ni Pangga sapagkat limitado ang kanilang mga suplay at materyales na natanggap mula sa Regional Office.
Ngunit, sa kabila ng mga problema’y naniniwala si Pangga na mabibigyan nila ng dental services ang kabuuang populasyon ng mga batang nag-aaral sa mga daycare centers.
“Lalakasan pa ang information drive (tungkol sa dental healthcare), pupunta kami sa mismong location ng mga bata, magbibigay ng kaunting basic information, health information,” pangakong tungkulin ng dentista.