Libreng kapon para sa mga alagang aso at pusa, muling idinaos sa Los Baños

Ulat nina Mia Isabelle Rivera at Earleen Velasquez

KAPON ANG SOLUSYON. Dinala ng mga residente ng Los Baños ang kanilang mga alagang aso’t pusa sa Munisipyo ng Los Baños para sa libreng kapon at ligate. Larawang kuha ni Mia Isabelle Rivera

Isinagawa ng Livestock sector ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, katuwang ang Biyaya Animal Care Foundation, Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo, Topbreed, DoggiEssential, East Asia Vet, at Pilmico, ang free spay at castration o libreng kapon para sa mga alagang aso at pusa noong Abril 20, 2023 sa Munisipyo ng Los Baños.  

Ang castration ay isang karaniwang operasyon ng pagkakapon o pagtanggal ng bayag ng lalaking aso at pusa. Samantala, ang spay naman ang proseso ng pag-alis ng ovary o bahay-itlog ng babaeng aso at pusa.

Humigit kumulang 190 na alagang aso at pusa ang nakatanggap ng libreng serbisyo. Karamihan sa mga pet owner ay nauna nang nakapagparehistro sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, samantalang ang iba naman ay walk in.

Ginaganap sa una at huling bahagi ng taon ang programa na may layuning matugunan ang labis na populasyon ng mga ligaw na aso at pusa, na siya rin umanong susi sa pagbawas ng kaso ng rabies sa munisipalidad.

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Mary Grace M. Bustamente, bukod sa pagbabawas ng labis na populasyon ng mga ligaw na pusa at aso, nakatutulong rin umano ito upang maging malusog ang mga alagang hayop at hindi dapuan ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik nito.

Paalala ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, hindi dapat bababa sa 6 na buwang gulang ang alagang isasailalim sa spay at castration. Kailangan ding masiguro ng mga pet owner na ito ay nasa maayos na kalusugan at hindi nagpapakita ng senyales ng ubo, sipon, pagluluha, at pagtatae.

Hindi rin umano maaaring ikapon o iligate ang mga aso habang ito ay in-heat, at kinakailangan muna itong matapos bago ang iskedyul ng pagkapon at ligate. 

Ayon sa ilang mga pet owners na dumalo, napagdesisyunan nilang ipakapon ang kanilang mga alaga dahil isa itong permanenteng paraan upang maiwasan ang hindi inaasahang pagbubuntis o pagdami ng mga alagang aso at pusa.

Maliban sa libreng kapon at ligate, plano rin umanong ipagpatuloy ng lokal na pamahalaan ang Rabies Vaccination Drive para sa pitong barangay sa Los Baños na hindi natugunan noong Marso.

Ilan lamang ito sa mga  aktibidad at programa na idinaos kaugnay ng pagdiriwang ng Rabies Awareness Month noong Marso. Bukod pa rito ay sunod-sunod na ginanap sa buong buwan ng Marso ang exhibit at motorcade, TulaRAM: Spoken Word Poetry Contest, KantaRAM: Jingle Making at Music Video Contest, Information, Education and Communication Campaign, at Dog and Cat Show.