Ulat ni Cherry G. Platero
LILIW – Tinagurian bilang “Tsinelas Capital ng Laguna,” kilala ang bayan ng Liliw sa mura ngunit matitibay na tsinelas at iba pang kasuotan sa paa.
Hindi tulad ng ibang industriyang pinadapa ng pandemya, nagpatuloy sa paghakbang ang produksyon ng tsinelas sa Liliw. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang bumilis ang lakad ng buhay at kita ng mga magtsi-tsinelas.
Sa ilang eskinita at sulok sa Barangay Ilayang Taykin, matatagpuan ang mga pagawaan ng tsinelas na katabi lamang ng mga kabahayan. Karamihan dito ay pagmamay-ari ng backyard owners o mga magtsi-tsinelas na sa bahay lang ang produksyon.
Sa kabila ng patuloy na pamamayagpag ng Liliw sa industriya ng tsinelas, ano naman kaya ang kalagayan ng mga manggagawa ng dekalidad na produktong ito?
Tradisyunal na proseso
Pagdating sa paggawa ng pares ng tsinelas, malimit na nahahati sa dalawang bahagi ang trabaho. Kadalasan, mga lalaking manggagawa ang nagbubuo ng mga kasuotan sa paa. Sila ang nagdidikit ng swelas, naghuhulma, at naglalapat ng entrada o strap ng tsinelas.
Sa kabilang dako, ang pag-eentrada naman ay ang madalas na trabaho ng mga kababaihan. Ito ay ang proseso ng paggawa at pagtatahi ng entrada. .
Dagdag pa rito, wala ring pinipiling araw at oras ang produksyon ng tsinelas. Ayon kay Ruben Morales na 33 taon nang gumagawa ng tsinelas, kahit araw ng Sabado at Linggo, hindi natatapos ang trabaho. “Kasi pakyawan ‘to, eh. Pakyawan ‘yong kung ilan ang magawa mo, ‘yon ang ibabayad sa’yo. Hindi arawan ang upa,” paliwanag ni Tatay Ruben.
“‘Pag sanay ka sa puyat, gagawa ka ng hanggang alas dose (ng umaga) tapos gigising ka ng alas sais ng umaga. Habang nagkakape ka sa umaga, gumagawa ka na,” saad niya.
Dahil hawak ng mga manggagawa ang kanilang oras, malaking tulong ito para sa mga nag-eentrada at nagsisilbi ring ilaw ng kanilang tahanan. Ayon kay Precila Color, 57 taong gulang, may sapat na oras pa siya upang simulan ang mga gawaing bahay. “Paggising ko ng alas kwatro ng umaga, ‘pag may tahiin, nagtatahi na (ako). Maghapon na ‘yon. Tatayo lang ako ‘pag magsasaing, magluluto.”
Kwento pa ni Elizabeth Tome, 30 taon nang nag-eentrada, madalas niyang iuwi sa bahay ang mga entrada na kailangan niyang tapusin para maasikaso pa niya ang kanyang mga anak. “Minsan sa bahay, paggising mo katabi mo na ‘yung ginagawa mo. Per pares po ang bayad sa’min kaya kailangan makagawa ka ng marami,” aniya.
Epekto sa kalusugan
Malaking bahagi sa proseso ng paggawa ng tsinelas ay ang pagdidikit ng bawat parte nito. Sa pagpapahid ng “kola” o pandikit na ginagamit ng mga gumagawa ng tsinelas, mas nasisiguro ang tibay ng kada pares.
Subalit, ang matagal na pagbababad sa matapang na amoy ng kola ay maaari ring makaapekto sa kalusugan.
Ayon kay Tatay Ruben, nasanay na sila sa amoy ng kola. Giit niya, “Wala pa naman akong nararamdaman kasi sanay na rin sa tagal (ko) nang naggagawa ng tsinelas at sapatos.” Inamin naman ni Jules Pisueña, 20 taon nang gumagawa ng tsinelas, na alam nila ang epekto nito sa kanilang baga. Ngunit para sa kanila, mabilis na lamang itong gamutin.
Pahayag pa ni Kuya Jules, mas mahirap para sa kanyang gasgasin ang ilalim ng swelas. Kinakailangang gawin ang prosesong ito upang mas maging makapit at matibay ang tsinelas. “Maalikabok (kaya) kailangan naka-mask. Kasi ‘pag ginasgas mo ‘yan (swelas), pinung-pino ‘pag nasinghot mo.”
Importansya ng pagtsi-tsinelas
Sa kabila ng puyat at maaaring masamang implikasyon sa kalusugan, hindi maiwan ng mga manggagawa ang industriyang patuloy na bumubuhay sa kanila. Bukod sa nakasanayan na nila ang trabahong ito, batid ng mga manggagawa na ito ang tumutustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ani Kuya Jules, may trabaho para sa mga may kaalaman sa paggawa ng tsinelas bilang bahagi na rin ito ng kultura ng bayan ng Liliw. Katulad ng naranasan niya, may binalikan siyang trabaho sa pagawaan ng tsinelas matapos mag-abroad at matigil sa paggawa.
Nang tanungin naman si Ate Elizabeth tungkol sa kahalagahan ng pag-eentrada sa pamilya niya, batid niyang malaking tulong na malapit lang ito sa kanilang tirahan. “Importante po talaga kasi dito ako kumukuha ng ibabayad sa bahay. Katulad ko, naupa ako tapos nag-aaral pa ang mga anak (ko),” saad pa niya.
Para naman kay Nanay Precila, hindi na niya kayang iwan ang trabahong tumulong sa kanyang mapagtapos ang mga anak sa pag-aaral. “Iisa lang ako, 16 years na akong balo. Dito na ako tatanda, eh. Ilang anak ko na ang napatapos ko, lima (na),” wika niya.
Dekalidad na tsinelas
Bagama’t matagal nang nagsimula ang industriya ng tsinelas sa Liliw, patuloy itong binabalik-balikan ng mga turista. Patuloy rin ang pagsusuplay ng mga taga-Liliw sa karatig bayan kagaya ng Los Baños, maging sa iba pang lugar sa Bulacan at Maynila. Hindi maikakailang sa likod ng libu-libong pares ng tsinelas, ang sipag ng mga manggagawa ang tunay na dahilan kung bakit nananatili ang magandang kalidad ng produkto.
Ayon kay Tatay Ruben, hindi nila minamadali ang pagbuo ng tsinelas para masigurong maayos ang lapat nito. “Sabi nila matibay ang gawa ng Liliw kaysa sa ibang lugar. Nasa manggagawa rin naman kaya tumitibay ang gawa,” sambit niya.
“Kasi matibay ang yari dito sa Liliw at saka nasa nagawa ‘yon. Dapat ang tahi pulido tapos sa kanila rin sa manggagawa. Syempre sa paglalagay nila ng kola, dapat madikit. Mabasa man siya, hindi kara-karakang matatanggal,” paglalahad naman ni Nanay Precila.
Ayon kay Isagani Moneda, tourism staff ng munisipalidad, ang mga magtsi-tsinelas ang puso ng pangunahing industriya ng Liliw. Pahayag niya, “Hiling namin na i-maintain ang quality ng mga tsinelas. ‘Yon lang naman. Maintain the quality of the product and the hospitality of the people.”