Ulat ni: Leanshey Castillo
Nabigyang pansin sa LB Gayla Night Pride Month Celebration ng Los Baños noong Hunyo 18 ang usaping Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) at ang kaugnay nitong Municipal Ordinance No. 2018-1791 (Comprehensive Anti-Discrimination Policy on the Basis of SOGIE) ng Los Baños.
Sa ilalim ng ordinansa ay ipinagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon sa mga sumusunod: employment, education, delivery of food and services, at accommodation.
Layunin nitong tanggalin o alisin ang lahat ng anyo ng diskriminasyon na nakakasakit sa pantay na proteksyon ng Bill of Rights na nakasaad sa Konstitusyon at iba pang umiiral na batas. Layunin din nitong pagpapahalaga sa dignidad ng bawat tao, paggalang sa mga karapatang pantao at bigyan ng prayoridad ang mga hakbang na nagpoprotekta at pagpapahusay sa karapatan ng lahat ng tao.
May kaukulang parusa rin ang sinumang tao na lumabag o gumawa ng gawaing ipinagbabawal, dahil hindi ito limitado sa mga institusyon pribado man o pampubliko, lahat ay mananagot at kaparusahan ng naaayon.
Ang sinumang tao na may pananagutan sa ilalim ng nasabing Ordinansa ay dapat parusahan ng mga sumusunod:
- 1st offense: Isang libong piso (P 1,000.00) na multa
- 2nd offense: Isang libo at limang daang piso (P 1,500.00) na multa
- 3rd offense: Dalawang libo at limang daang piso (2,500.00) na multa
- Sa seksyon 5 at 6 sa pamamagitan ng multa na Dalawang Libo at Limang Daang Piso (P2,500) o pagkakulong ng hindi hihigit sa anim (6) na buwan ng (mga) opisyal ng namamahala ng negosyo, sa pagpapasya ng Korte;
- At maaaring kanselahin o bawiin ng Alkalde ang pagbibigay ng Permit upang patakbuhin ang negosyo nito sa Los Baños, Laguna para sa anumang paglabag sa Ordinansang ito.
Ang Los Baños Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng VAWC/Human Rights Desk, ang tagapangasiwa sa lahat ng gawaing patungkol sa ordinansa. Kasama rin dito ang paghikayat sa lahat ng barangay na bumuo ng isang sistema upang maitalat at maiulat ang mga kaso ng diskriminasyon at karahasan laban sa aktuwal o nakikita ng mga LGBT at magbigay ng tulong sa mga biktima nito; pati ang pagtiyak sa seguridad ng mga tanod upang sila ay makatugon sa mga biktima ng diskriminasyon.
Ang ginanap na LB Gayla Night ay naging isang pagkakataon upang bigyan-diin ang mga namumukod tanging tagumpay na naabot ng komunidad ng LGBTQ+ at sa patuloy na pagiging mahusay sa kanilang mga napiling larangan upang mag-ambag sa kapwa at sa komunidad ng Los Baños. Ipinakita rin sa pagdiriwang ang suporta at pakikiisa sa paglaban sa diskriminasyon at pagtatanggol sa kanilang karapatan na adhikain ng pantay na pagtrato at paggalang sa lahat ng tao.
Sa pamamagitan ng ganitong mga pagdiriwang at talakayan, inaasahang magkakaroon pa ng kamalayan, pag-unawa at higit na maunlad at pantay na bayan ng Los Baños tungkol sa mga isyung kaugnay nito.