Progestin Subdermal Implant: Bagong contraceptive, isinusulong ng Los Baños MHO

Ulat ni Katrina Gwynn Relativo

Progestin Subdermal Implant. Binibigyan ng mainam na payo ang mga benepisyaryo ng Progestin Subdermal Implant Drive ng Los Baños Municipal Health Office bago mailagyan ang implant.

[PANOORIN: Maliit na Karayom Para sa Kalidad na Pamumuhay]

Si Marie, 32,na isang ina mula sa Los Baños ay naniniwala sa bisa ng artificial contraceptives, partikular na ang Progestin Subdermal Implant (PSI) na kasalukuyang isinusulong ng Los Baños Municipal Health Office (MHO). Aniya, kailangan niya ito upang hindi magsunod-sunod ang kanyang pagbubuntis at dala na rin ng kaayawan niyang muling magka-anak.

Sa loob ng halos pitong taon, ang mag-asawa ay gumagamit ng withdrawal. Sapat na sana ang dalawang anak para kay Marie ngunit siya ay nabuntis pa nang ikatlong pagkakataon. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nasawi ang kanyang anak pagka-24 na araw nito na naging dahilan ng kanyang pagkatakot na muling mabuntis.

“Last year lang, kaya ngayon natatakot na rin ako, parang nagka-phobia na rin ako. Kaya ayoko na rin mabuntis,” ani Marie.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, isa sa kada tatlong pagbubuntis ay hindi planado. Ang datos na ito ay naghayag na kalahating bilang nito ay nagmula sa mga kababaihang may edad 40 hanggang 44.

Ang contraceptives ay isang paraan upang maiwasan ang hindi inaasahang pagbubuntis. Ito ay mabisang gamitin upang masunod ang plano ng mag-asawa sa magiging bilang ng kanilang anak. Subalit, ang mga modernong paraan upang mapigilan ang pagbubuntis ay nananatiling mahirap sundin dahil sa pangangailangan nito ng sapat na badyet at reseta.

Sa kadahilanang ito, nagsagawa ang MHO ng PSI Drive upang ma-solusyonan ang tumataas na kaso ng mga hindi naiplanong pagbubuntis. 

Dinagsa ng mga kababaihan ang inisyatibong ito dahil sa kanilang kagustuhang magkaroon ng family planning. Sa ganap na alas-otso nang umaga, nagsimula silang pumila para magpalagay ng implant. 

Ang family planning ay tumutukoy sa pagkakaroon ng plano ng mag-asawa kung hanggang ilang anak ang nais nilang magkaroon. Nakakatulong ito upang matukoy ang kapasidad ng magulang na bigyan ng may kalidad na pamumuhay ang kanilang pamilya.

Ang bawat mag-asawa ay dapat magkaroon ng plano sa pamilya, ayon kay Minda Mariano, ang Provincial Population Midwife.

Pinaliwanag ni Mariano ang kahalagahan ng proyekto upang magkaroon ng may matagal na epekto at libreng uri ng contraceptives ang mga mag-asawa.

Ani Mariano, “So yun yung purpose natin, magkaroon sila ng plano na mag-asawa kung hanggang ilan bang bilang ng anak at kung ano ang kanilang gagamitin.”

Ang PSI ay isang uri ng modern family planning method o contraceptive. Gumagamit ito ng vinyl rod o mala-palitong posporo na instrumento na inilalagay sa ilalim ng balat ng kaliwang braso ng babae. May tagal ito na tatlong taong proteksyon upang hindi mabuntis ang isang babae. 

Implant Insertion Procedure. Isang maliit na vinyl-rod ang ipinapasok sa kaliwang braso ng isang ina. Inilalagay ito sa ilalim ng balat upang mapigilan ang ovulation o pangingitlog na nagdudulot ng pagbubuntis (Photo taken by Katrina Gwynn Relativo)

Para kay Mariano, mas maganda ang PSI kumpara sa ibang contraceptives, katulad ng birth control pills, dahil hindi na nito kailangan ng dagdag na tabletang iinumin upang mapanatili ang epekto nito. Dagdag pa niya, ito ay libreng ibinibigay ng kanilang opisina.

Ang mga kababaihang mula sa Los Baños na nais magpalagay ng implant ay maaaring pumunta sa kani-kanilang barangay health station kanilang lugar para sa registration. Magkakaroon ng interbyu rito upang masigurado na hindi buntis ang isang magpapalagay ng implant. Maaari silang bigyan ng barangay ng birth control pills bago tumanggap ng implant. 

Tuwing ikatlong buwan nagkakaroon ng PSI Drive ang ating lokal na pamahalaan. Ngayong taon ay nagsimula sila noong Pebrero, nagbukas muli ngayong Mayo, at magkakaroong muli sa darating na Agosto. 

Sa mga babaeng nais magwalk-in sa mga buwan na walang operasyon ang PSI Drive, maaaring magdirekta ang barangay health station sa Sta. Cruz upang malagyan ng implant.

Para kina Mariano at Marie, ang PSI ay isang mainam na hakbang upang maiwasan hindi planadong pagbubuntis

Hinihikayat nila ang mga magulang na magkaroon ng naaayon na family planning upang magkaroon ng mas mataas na kalidad ng pamumuhay ang bawat pamilyang Pilipino.

Sabi nga ni Marie, “Ang hirap ng buhay kaya kailangan po talagang mag-family planning. Kasi napakahirap.”