Ulat ni Ezra Andrei A. Española
Ang dahilan ng regular na interapsyon ng kuryente tuwing Linggo sa loob ng UP Los Baños (UPLB) campus ay dahil sa Phase III ng rehabilitasyon at pag-upgrade ng 13.8kV na linya ng kuryente na sakop ang sentro ng kampus. Ito ay ayon kay University Planning and Maintenance Office (UPMO) Director Marloe Sundo.
Aniya ito ay bahagi ng “Future-Proofing Project” ni UPLB Chancellor Jose V. Camacho, Jr. na layuning paunlarin ang unibersidad.
“Kailangan ma-inform natin ang madlang bayan kasi ang mga nagko-comment ay laging galit sa amin pag nagpo-post ng advisory,” pahayag ni Dr. Marloe Sundo.
Ang nasabing power interruptions ay nakakaapekto sa halos 2,300 na mga estudyanteng nakatira sa mga dormitoryo ng unibersidad at 250 na mga guro at kawaning benepisyaryo ng staff housing program nito. Kasama rin sa mga naaapektuhan ay ang ilang mga kaalyadong ahensya ng unibersidad na matatagpuan sa loob ng kampus.
Kabilang si Monica Cunanan, isang UPLB dormer, sa nagpahayag ng saloobin na ang kakulangan sa pondo ang tingin niyang dahilan ng nararanasang brownout.
“Ang inconvenient nga eh kasi ang laki-laki na ng nagagastos ko sa mga coffee shop dahil kailangan ko ng place na pag-a-aralan,” ayon sa kanya.
“Sana lang ay hindi tayo tinitipid kasi nakaka-abala sa pag-a-aral,” dagdag pa niya.
Pinabulaanan naman ni Dr. Marloe Sundo ang mga haka-hakang ito, diin niya, “Hindi kulang sa badyet, actually marami nga ang badyet,”.
Paliwanag nito, ito ay isang pre-emptive maintenance na layuning iwasan ang mga posibleng mas malaking problema sa kuryente.
Ayon kay Engr. Arnel M. Lacap, Chief of Electrical Services Section, nilalagyan nila ng
insulation ang mga transmission line sa unibersidad.
“Mga transmission line kasi dati walang balat kaya ‘pag nag-touch mga ‘yan, blackout talaga,” aniya.
“Last quarter last year pa nag-start yung project sa Phase III pero hindi muna dinali ‘yung main kasi patay kuryente talaga lahat ‘pag nagkataon,” dagdag ni Engr. Lacap.
Nilinaw din nila na kasabay ng proyekto ng UPMO ay ang pagsasa-ayos ng Meralco sa
ilang poste at kable ng kuryente sa unibersidad.
Sinabi ni Dr. Sundo na minsan ay hindi sumusunod ang Meralco sa oras nang pagtapos ng gawa.
Ikinuwento niya na noong Abril 16, 2023 ay umabot ng mahigit alas-otso ng gabi ang
pagsasagawa ng maintenance imbis na hanggang alas-kwatro ng hapon lamang ito.
Ayon sa UPMO, aabutin ng 90-120 calendar days ang isinasagawang rehabilitasyon at pag-upgrade. Bagaman calendar days ang nakasaad, nilinaw ni Dr. Sundo na ang araw lamang ng paggawa ay tuwing Linggo, minsan ay kasama ang Sabado. Ito ay upang hindi makaabala sa mga klase twuing Lunes hanggang Biyernes.
“Matatapos na ito. Malapit na, konting tiyaga na lang,” ayon kay Dr. Sundo.
Tantya ng UPMO ay matatapos ang pagsasagawa sa proyekto sa Hunyo 11, 2023. Tinitiyak nito sa sangkaestudyantehan at sa lahat ng stakeholder na ginagawa nito ang lahat ng kanilang makakaya sa hanay ng rehabilitasyon upang matapos nang mabilis ngunit may kalidad.