Ulat nina Aron Jaime Manilag at Gabrielle Palma
[PANOORIN: Binhing Maulawin]
Sa bawat hulmahan ng pag-iiba ng panahon ay kasabay nito ang iba-ibang porma ng pangamba ng mga magsasaka sa kanilang mga pananim at pangkabuhayan. At sa bawat anyo ng kanilang gilalas ay ang pagkalampag ng mga kumakalam na sikmura. Saksi si Melanio Del Rosario, magsasaka ng Pagsanjan, sa epekto ng pabago-bagong klima. Kung dati, madali para sa kanila na mahinuha ang panahon sa pamamagitan ng simoy ng hangin, ngayon ay hindi na nila agad matuklasan kung babagyo ba o mananatiling sobrang init.
Aniya, “Ang problema namin dito kapag ‘yong bagong tanim ka, umulan nang umulan, madidisgrasya ‘yong tanim mo. Kakainin ng kuhol kasi matubig, e. Kapag naman tag-init, kapag wala kang tubig dito, drought na.”
Ang climate change ay nagdudulot ng malawakang pagbabago sa mga patern ng panahon. Ang mga tag-init ay nagiging mainit na mainit, habang ang mga tag-ulan naman ay nagiging mapanglaw at maulan nang labis. Ang ganitong mga pagbabago ay naglilikha ng malalaking hamon para sa mga magsasaka partikular na sa kanilang mga pananim na nagsisilbing kanilang pangunahing kabuhayan.
Ngunit dahil sa pag-usbong ngayon ng mga makabagong paraan, isa ang biotechnology– ang paggamit ng teknolohiya na nakaangkla sa paggamit ng mga sistema sa biology upang makaimbento o makapagpaunlad ng isang bagay o produkto, sa may bitbit na sistematikong proseso upang tumugon sa mga isyung katulad ng climate change, seguridad ng pagkain sa bansa at iba pang hamong pangkalikasan at panlipunan.
Ginhawang Dulot ng Biotech
Dahil dito, sumubok si Del Rosario pati na rin ang ilang mga magsasaka ng Pagsanjan ng variety ng palay kung saan kaya nitong sumibol at mabuhay sa kabila ng posibleng mga kalamidad, at tagtuyot o tag-ulan. Ito ang tinatawag na Climate Change-Ready Rice (CCRR) varieties. Partikular ang SL7 at SL9 na mas kilala sa merkado bilang Doña Maria Jasponica at Doña Maria Miponica, mga itinatanim tuwing tag-init at tag-ulan.
Ang CCRR ay mayroong katangian at kakayahang tumagal at lumago laban sa mga kondisyon ng nag-iibang panahon at isyung pangkalikasan. Ilan sa mga ito ay ang drought-tolerant rice, heat-tolerant rice, salt-tolerant rice, submergence-tolerant rice, at cold-tolerant rice.
Kung susuriin ang mga pang-ekonomiko at pangkalikasang pakinabang, ayon kay Del Rosario, mas marami ang nagiging ani sa pagtatanim ng CCRR varieties, sa kabila ng mas mahal nitong presyo ng binhi. Iginiit din niya na patuloy ang kanilang kita, madalas doble pa, sa kahit na anong panahon.
Ayon kay Glenn Gregorio, direktor ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) at isang crop biotechnologist mula sa UP Los Baños, ay mas mataas ang nagiging ani ng mga magsasaka sa pagtatanim ng CCRR varieties.
Hindi lamang ang mga magsasaka ang nagkakaroon ng benepisyo mula rito. Napapakinabangan din ito ng mga ordinaryong Pilipino dahil sa magandang kalidad ng produksyon ng bigas. Isinaad ni Del Rosario na marami ang kumukonsumo nito dahil ito ay masarap. Sa kanyang testimonya, marami ang nag-aabang ng kanyang mga pananim sa tuwing anihan. Isa sa mga nabanggit na uri ng bigas ay Jasmine Rice.
Kaya naman kahit may pangamba noong umpisa, maraming magsasaka na ang nagsasanay at nagtatanim ng mga ito dahil sa kalidad at mataas na antas ng produksyon nito. Dumarami rin ang bilang ng mga nais bumili ng mga inaning palay.
Ang Siyensiya ng Biotech
Ang CCRR ay isang produkto ng biotechnology na itinatanim ng mga magsasaka na may layunin na makatagal at mabuhay laban sa tagtuyot, taglamig, flashflood, at iba’t ibang degree ng salinity at sodicity. Pinangunahan ito ng International Rice Research Institute kung saan, inadapt na rin ng iba pang mga agrikultural na institusyon sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo. Karamihan sa mga magsasakang nakapagtanim na ng mga CCRR varieties ay matatagpuan sa Asya, partikular sa Timog at Timog-Silangang bahagi dahil sa malakas na produksyon at demand ng palay at bigas.
Ikinokonsidera na may teknolohiya sa mga nabanggit na crops sa kasalukuyan. Ayon kay Dr. Noriel Angeles, Assistant Director ng Philippine Rice Research Institute sa Los Baños, “Kung mayroon kang trait na gustong ilagay sa isang halaman na wala doon sa iba, para mas precise, or mas accurate ‘yong delivery ng trait or gene doon sa isang halaman. So, both traditional tsaka modern biotechnology ay pwedeng gamitin sa pagdevelop ng climate change-ready varieties.”
Bukod pa rito, nasasaklaw din ng biotechnology ang iba’t ibang aspeto ng pamumuhay. Ito ay sa pamamagitan ng pagsesentro ng teknolohiya sa paglikha ng mga produkto at iba pang anyo ng imbensyon. Layunin ng biotech na matugunan ang mga sakit at iba pang isyu sa nutrisyon at pangkalusugan, makapaghain ng mga solusyon at disenyo sa hamong pang-agrikultura, mabawasan ang nakokonsumong enerhiya, magkaroon ng mas malinis, ligtas, at produktibong pamamaraan sa industrial manufacturing processes, at maprotektahan ang mga likas na yaman at kabuuan ng kalikasan.
Kasalukuyang mga Pananaliksik sa CCRR
Sa kasalukuyan ay isang klaseng resistensya lang ang taglay ng CCRR varieties. Ngunit sinisikap ng mga siyentista ngayon na magkaroon ng iba’t ibang resistensya ang mga ito.
Ayon kay Dr. Gregorio, “We have been combining drought-tolerant tsaka salinity, drought submergence. So, mga two-in-one, three-in-one, two-in-one plus one. May three-in-one plus one pa. Parang kino-combine na ‘yong mga stress tolerance into one.”
Dagdag pa niya, “Those are the new technologies na ngayon. We want rice to be less thirsty. We want rice to grow in a salt affected area kasi ang salt kahit sa upland ka ngayon, ang salt dumadami na ang asin. So ‘yon ang mga technology na ready ngayon or pinapashorten na natin ang growth duration ng rice. Less carbon, less greenhouse gas emission na siya. So mas environmentally-friendly na tayo, mga new varieties natin. Less toxic na ‘yong ilalagay nating mga fertilizers tsaka chemicals. So, combine natin ‘yon.”
Mahalagang salik din ang kalagayan at kalidad ng mga lupang pansakahan para sa mga CCRR upang masiguro ang pagiging likas-kaya ng mga ito.
“Agriculture is knowledge intensive. You should know the soil. You should know the plant at tsaka anong variety na pwede doon. Kasi may mga variety kaya ng ion toxic area. ‘Yong mga variety na zinc deficient, zinc-tolerant ‘yong mga area na ‘yon. So, itutugma mo ‘yan ” paliwanag ni Dr. Gregorio
GMO: Isa pang produkto ng Biotech
Maliban din sa pagdiskubre ng CCRR varieties, ang biotech ay sumisikap ding paunlarin pa ang anyo ng mga pananim sa pamamagitan ng pagkalikha ng mga tinatawag na Genetically Modified Organisms (GMO) o Gene-Edited (GE) crops.
Sa kasalukuyan sa Pilipinas ay Bt talong, Bt corn, at Golden Rice ang kilala pa lamang. Bukod sa sila ay mayroon ding kakayahang maging handa sa mga kalamidad o sakuna, dinisenyo rin sila upang maiwasan ang mga peste. Ang mga ito at iba pang katulad na imbensyon o modernisasyon ay may posibilidad na i-angkop at i-disenyo para sa ating palay sa kinabukasan.
Biotech Bilang Tugon sa Seguridad ng Pagkain
Ang palagiang pagbabago na siyang nananatili sa klima ay sumasalamin na patuloy rin ang implikasyon sa sektor ng agrikultura na siyang bumabagabag sa estado ng kabuhayan sa pagsasaka at seguridad sa pagkain ng bawat Pilipino. Ang CCRR varieties ay ay isa sa mga moderno at may halong teknolohikal na hakbanging isinasagawa upang matulungan ang mga magsasakang makisabay sa climate change. Pati na rin sa mga Pilipino na magkaroon ng access sa food security.
“‘Yong mga CCRR varieties po natin, double ang production. Kaya marami kang aanihin, mas marami kang kakainin,” giit ni Del Rosario.
Dahil sa mga sistematikong prosesong ambag ng biotech sa estado ng agrikultura, nakakatulong din ito sa paghahain ng mga alternatibo at likas-kayang tugon sa food security dahil sa mataas na antas ng ani at production yield ng mga CCRR. Kaya naman, hinihikayat at sinusubukan ng mga eksperto at siyentista na mabawasan ang mga pagdududa at pangamba sa larangan ng siyensiya, lalo’t higit sa biotechnology.
Pahayag ni Director Gregorio, “Invention or innovation or science is not there to replace or to destroy tradition or the culture we have. It’s value-adding to agriculture… As we develop our business, as we develop our science, we have to think of three things. We have to think of the people, social aspects. We have to look at our planet which is the environment. And to you, you have to look at also to balance it to make it sustainable, look at the profit.”
Bukod sa mga inobasyong ibinibigay sa mga magsasaka upang makapagtanim ng mga palay o binhi na kayang humarap at mabuhay sa hamon ng mga pagbabago sa klima, nananawagan din sila ng aksyon sa mga lokal na opisyal at administrasyon sa mas malawak, likas-kaya, inklusibo, at accessible na mga pamamamaraan, kagamitan, at polisiya para sa ligtas at umuunlad na agrikultura.
Kaugnay nito ang kolektibong panawagan para sa pangmatagalan at nakikiangkop na mga solusyon sa estado ng seguridad sa pagkain ng bawat Pilipino habang hinaharap ang mga problemang pangkalikasan at panahon. Kabilang na rin dito ang suporta sa pagsusulong ng pagprotekta at pangangalaga sa kapaligiran.
Ang bawat tugon sa mga kumikilos na kamay ng magsasaka ay nagsisibol ng pag-asa sa milyon-milyong kumakalam na sikmura ng bawat Pilipino at nag-uusbong ng katatagan at katibayan laban sa tila hindi kumakalmang panahon.