Ulat ni: Daphne Jane E. Encinares
Naganap noong nakaraang miyerkules, July 27, sa barangay Tadlac ang malawakang pagbabakuna kontra rabies ng mga aso at pusa sa pangunguna ng Los Baños Office of the Municipal Agriculturist (LB-OMA). Ang barangay Tadlac ang huli sa mga barangay ng Los Baños kung saan ginagawa ang anti-rabies vaccination drive.
Kasabay ng pagdiriwang ng Rabies Awareness Month, inilunsad ang Rabies Vaccination Drive sa pamamagitan ng LB-OMA. Ito ay kaugnay ng programang Bagong Los Baños Rabies Awareness at Responsible Pet Ownership. Nagsimula ang malawakang pagbabakuna noong ika-15 ng Hunyo sa barangay Malinta.
Inilipat ang orihinal na schedule, ika-21 ng Hulyo, ng vaccination drive sa barangay Tadlac dahil sa kawalan ng venue. Kasabay ng schedule ng job fair sa nasabing barangay ang schedule ng anti-rabies vaccination drive. Ayon kay Andrei A. Fabella, agricultural technologist ng LB-OMA, mahalaga ang kooperasyon sa barangay sa ganitong mga programa ng munisipyo, lalo’t sila ang maglalaan ng lugar kung saan gaganapin ang anti-rabies vaccination drive.
“So far marami naman (ang pumuntang may alagang aso at pusa), serious na sila sa drive na ito – vaccination drive na ‘to against rabies. Still, there are still constituents na matigas ang ulo”, sabi ni Fabella.
Ibinahagi ni Fabella na isa sa mga hamon nila, bukod sa sama ng panahon, ay ang ilang taong hindi nagdadala ng kanilang mga alaga sa mga vaccination drive. May mga ilang karanasan din kung saan nakakawala ang mga alagang hayop. Binigyang diin niya ang responsibilidad ng mga may-ari sa kanilang mga alaga lalo sa mga vaccination drive tulad nito.
Ayon sa Anti-Rabies Act of 2007 Section 5, responsibilidad ng may-ari na regular na pabakunahan laban sa rabies at maparehistro ang kanilang mga alaga. Responsibilidad rin ng may-ari na kontrolin ang sarili nilang alaga at agarang iulat ang anumang insidente na may na kagat ng aso.
Ayon kay Fabella, mahalaga ang mga anti-rabies vaccination drive na ito dahil ito ang paraan upang protektahan ang mga alagang hayop laban sa rabies na maaari nilang mapasa sa pamamagitan ng kagat o dog bites.
“The government always push through anti-rabies vaccination, kasi ay mataas ang rate ng rabies cases sa Philippines,” ani Fabella.
Ayon kay Department of Health Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, nagtala ang Pilipinas ng 55 kaso ng rabies na nagresulta sa kamatayan noong Pebrero 25 ngayong taon, 2023. Ito ay nagtala ng walong porsyento ng pagtaas kumpara sa nakaraang taon na datos. Ang Region 4-A o rehiyon ng Calabarzon ang ikalawa sa pinakamataas na kaso sa bansa. Nagtala ito ng 9 na kaso o 16 porsyento. Nangunguna dito ang Central Luzon na nagtala ng 11 na kaso o 20 porsyento at pangatlo naman sa pinakamataas ang Region 5 o rehiyon ng Bicol na may 5 kaso o 9 na porsyento.
Ang vaccination drive ay ginagawa kada taon ng LB-OMA. Ngunit sa mga hindi makakasama dito, mayroong libreng vaccination sa mga alagang hayop sa munisipyo simula lunes hanggang biyernes. Sa mga magpabakuna ng hayop, kinakailangan munang iparehistro ang kanilang alaga sa halagang 50 pesos ayon sa Municipal Ordinance #2018-1755 or the Los Baños Anti-Rabies Ordinance of 2018. Maaaring pabakunahan ang mga alagang hindi bababa sa tatlong buwang gulang. Dapat ay walang sakit at malusog ang alagang hayop upang pabakunahan.