Ulat ni Amiel Zeus Bautista
Naipasa na sa bayan ng Alaminos, Laguna ang Municipal Ordinance No. 06, Series of 2023 o kilala bilang An Ordinance for the Establishment of Young Farmers Council and its Function in Alaminos, Laguna.
Ang ordinansang ipinasa ay kauna-unahan sa Pilipinas na magtatatag at bubuo ng Young Farmers Council na pangungunahan ng mga kabataang magsasaka, katuwang ang lokal na pamahalaan at ibang kaugnay na ahensya.
Ang pangunahing mithiin nito ay magkaroon ng ganap na representasyon ang mga kabataang magsasaka at makalahok sa mga lokal na paglikha ng mga polisiya at programa patungkol sa kanilang sektor.
Ang isa sa mga tungkulin ng mabubuong Young Farmers Council ay ang paglikha ng Municipal Young Farmers Roadmap na maglalaman ng Market Development Plan, Community-based Food Security Plan, Climate Disaster Risk Assessment (CDRA) at iba pang agrikultural na pangangailangan.
Ang mga miyembro ng konseho ay bubuuin ng mga young farmer and farmer organizations, youth organizations, Local Youth Development Office, Municipal Agricultural – Fisheries Council, Municipal Agricultural Office and other civil society organizations (CSOs).
“Priority ko [itong ordinansa] sapagkat nakikita kong ang aming magsasaka ay umeedad na.”, bigay diin ni Councilor Nicole Arida Pampolina, Vice Committee Chairman on Agriculture ng Alaminos. Nilalaman din ng ordinansa na magkaroon ng Annual Young Farmers Convention upang mas makahikayat pa sa ibang kabataan na pumasok sa sektor ng agrikultura.
Kasama rin si Konsehal Edgardo Briz, Committee Chairman on Agriculture, sa pagsusulong ng ordinansa, na nilagdaan naman ni Hon. Glenn Flores, Municipal Mayor ng Alaminos. Pinakilala ang ordinansa kahapon, Hulyo 18, kasunod ng paglagda dito noong ika-2 ng Mayo.
Ang pagsulong ng polisiyang ito ay bunga rin mula sa proyektong SAKAbataan, isang youth-led coalition ng mga kabataang magsasaka na inilunsad kasama ang Center for Youth Advocacy and Networking (CYAN) at Center for Agrarian Reform, Empowerment, and Transformation (CARET).
Inaasahan ng lokal na pamahalaan ng Alaminos na maging simula ito para mas mapabuti at mapagyabong ang agrikulura sa bayan kasabay ang pagprotekta sa karapatan ng mga kabataang magsasaka.
Reference:
Leizl Adame (Center for Youth Advocacy and Networking – Executive Director) – 09067862579
Amiel Zeus Bautista (SAKAbataan – Communications Officer) – 09161365876