PSGDO nagsagawa ng libreng sports clinic sa Los Baños

Ulat ni: Marx Karlo Villaseñor

Mga lumahok sa free sports clinic ng Arnis na ginanap sa Maahas Elementary School, Los Baños, Laguna.

Isinagawa ng Provincial Sports and Games Development Office (PSGDO) ang Gov. Ramil L. Hernandez Free Sports Clinic sa iba’t ibang bayan ng Laguna, kabilang ang Los Baños, mula Hunyo 17 hanggang Agosto 30, 2023.

Layunin ng nasabing libreng sports clinic ang magbigay-daan para mas lalong mapalaganap at mapabuti ang mga abilidad ng mga kabataan sa iba’t ibang sports.

Pamimigay ng sertipiko sa mga nakatapos ng Basketball sports clinic na ginanap sa Sta. Cruz, Laguna.

Isa rin  itong “grassroot program” ng kapitolyo upang makahanap at makahasa ng mga bagong atletang Lagunense na may layuning lumaban hindi lang sa Pilipinas, kundi sa ibang bansa.

Kalahok dito ang mga kabataang 7 hanggang 17 taong gulang sa mga sumusunod na sports: Arnis, Baseball/Softball, Chess, Football, Futsal, Gymnastics, Karatedo, Pencak Silat, Table Tennis, Taekwondo, Tennis, Volleyball, at Athletics.

Mga nakatapos ng tatlong araw na basketball sports clinic na ginanap sa Sta.Cruz, Laguna.

Ito ang naging iskedyul ng sports clinic na ginanap sa Los Baños:

  • Arnis, Hulyo 17 – Agosto 4, 2023 (8:30am – 11:00am) tuwing Lunes at Biyernes sa Brgy. Batong Malake.
  • Arnis, Hulyo 19 – Agosto 11 (8:30am – 11:00am) tuwing Miyerkules at Biyernes sa Maahas Elementary School.
  • Karatedo, Hunyo 27 – Hulyo 27 (3:00pm – 4:30pm) tuwing Martes at Huwebes sa Brgy. Mayondon.

Dalawang sports clinic ang ginanap sa Los Baños, ang Arnis at Karatedo. Nagkaroon ng limang sessions kada barangay. Sa unang tatlong sessions, itinuturo ang mga pangunahing kaalaman tungkol sa mga  naturang sport. Sa pang lima at anim na sessions naman isinasagawa ang “study sparring” na kung saan inaasahang gagamitin ng mga kalahok ang lahat ng mga natutuhan nila sa buong sports clinic.

Ikatlong araw ng Arnis sports clinic na ginanap sa Brgy. Batong Malake.

Ayon naman kay coach Redentor Volpane, isang PSGDO clinician ng Arnis, importante and sports sa kalusugan ng kabataan.

“Bakit kailangan subukan ng mga bata ang sports? Unang-una maganda ito sa kanilang kalusugan… Magiging healthy sila, at the same time kung arnis naman yung magiging sports nila, matututo sila ng self-defense, self-control, self-discipline, which very positive ang magiging result para sa bata. Kaya dapat talaga ma-engage sila sa sports,” sabi ni Coach Redentor.

Mga “judge” na nagbibigay ng puntos sa mga kalahok na lumalaban (sparring).

Siya rin ang head coach ng Los Baños Arnis Team, kaya maaaring sumali dito ang mga kalahok mula sa free sports clinic at mabigyan ng pagkakataong lumaban sa iba’t ibang mga paligsahan sa loob at labas ng Laguna.

Marami ring natutuhan ang mga lumahok sa free sports clinic, katulad ng kahalagahan nito at ang ambag nito sa kulturang Pilipino kaya mabilis napukaw ang kanilang interes.

“Kasi self-defense martial arts po siya [arnis] and very relevant and important po siya sa culture nating mga Pinoy,” sabi ni Vera Mauricio, 13, mula Bay ukol sa kung bakit siya lumahok at naging interesado sa sport na Arnis.

Mga manlalaro na nag-papakita ng “sportsmanship” pagkatapos ng kanilang laban.

Nagpahayag din ang mga kalahok ng pasasalamat  sa oportunidad na makapagensayo kasama ang mga prosesyonal na coaches nang libre.

“Maganda po siyang opportunity para po sa lahat. Kasi po yung iba hindi po exactly naaafford yung mga regular na session pang-train. So maganda po yung mga free clinic para po sa mga interested and wala pong enough na money, and yung mga gusto lang pong i-try ng saglit para mafigure-out if magugustuhan nila,” dagdag ni Mauricio.

Isang kalahok ng free sports clinic ng arnis na ginanap sa Maahas Elementary School, Los Baños, Laguna matapos siyang suotan ng “protective gear” bago ang kanyang laban.

Para sa mga nais malaman ang iba pang mga detalye tungkol sa libreng sports clinic, maaaring bisitahin ang Facebook page ng Laguna Provincial Sports and Games Development Office (PSGDO) sa link na ito: https://facebook.com/PSGDOLaguna.