Ulat ni Ysabela Calica
Ibinida ng mga nanay mula sa Barangay Putho Tuntungin ang iba’t ibang luto ng togue sa cooking contest na ginanap noong Hulyo 27, 2023 sa barangay hall.
Nagwagi sa nasabing kumpetisyon si nanay Leonida O. Bueza at ang kanyang lutong Togue Steak. Matapos ng lutuan ay naging parang piyesta naman at inihain sa mga batang edad 2-5 taong gulang ang mga nailutong ulam.
Bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ang nasabing 5th quarterly cooking contest at feeding program na may temang “Star Si Baby Sa Star Gulay Ni Mommy!”. Parte din ang inisyatibong ito ng mga proyektong “Sagot sa Malnutrisyon” at “Organikong Gulayan” ng barangay.
Kasama din sa cooking contest sina nanay Mylene E. Mase at ang kanyang Ginisang Togue with Tokwa at si nanay Mary Jane B. Janiola at ang kanyang Togue Okoy. Nanalo na din sina nanay Mylene at nanay Mary Jane sa mga naunang cooking contests ng barangay. Ang mga hurado sa Putho cooking contest ay sina cooking contest veteran Niño B. Melodillar, Jennifer Bautista na may-ari ng isang catering business, Paciano Elementary School Teacher Mary Princess M. Lescano, at ang Barangay Nutrition Scholar (BNS) coordinator na si Julius Cesar S. Gibas.
BASAHIN: Pananim mo, star ingredient ko!
Matapos maluto nina nanay Mylene, Mary Jane, and Leonida ang tampok na gulay, agad naman itong inihanda at pinagsaluhan ng mga batang nag-hihintay sa masarap at masustansyang mga ulam.
Napili ang mga bata sa pamamagitan ng house-to-house barangay assessment batay sa kanilang timbang at katayuan ng kanilang sambahayan. Kasabay din ng feeding program nay nagkaroon ng supplementary nutrition lecture si Arcangel Cueto tungkol sa benepisyo at mga fun facts tungkol sa star gulay na togue. Si Cueto ay isang Agricultural Technician sa College of Agriculture and Food Sciences, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños at. residente rin ng Brgy. Tuntungin Putho
Organikong Gulay Sagot sa Malnutrisyon
Ayon kay Barangay Captain Ronaldo Oñate, ang quarterly cooking contest at feeding program ay sinimulan bilang bahagi ng adbokasiya ng barangay para sa anti-malnutrition kasabay sa kanilang pagsasagawa ng organic farming para makadagdag seguridad sa pagkukunan ng pagkain. Ang naganap na cooking contest nitong Hulyo ay ang pang-lima na at . ang mga naunang cooking contests ay ginanap noong Hunyoat Oktubre 2022, Enero at Abril 2023.
Ayon kay Kapitan Oñate, “Yung programa naming orgkanikong gulayan, pano kung pagsama-samahin namin ‘to…kasi maganda ang cooking contest, maganda ang organikong gulayan maganda etong feeding program pero kumbaga kulang, so ngayon ang gagawin natin dito ay quarterly para malimit”..
Ayon kay Abigail Castillo, ina ng isang walong taong gulang na batang babae na kalahok sa feeding program,nakinabang ang kanyang anak dahil ito daw ay ‘picky eater’. Ito ang kanilang ikatlong pagsali sa programa.
“Biglang kumain siya ng gulay, naging malusog–isa pa, nagbibigay ng kaalaman, tapos po, nagiging [halimbawa] siya sa mga kapatid niya, para–nagaya po ‘yung kapatid niya para sakanya,” dagdag ni Abigail
Kasama sa nutrition lecture, nagbigay din ang Barangay ng ayudang toiletries. Nag-abot din ng mga librong donasyon ang Morning Star Montessori School Inc. sa mga batang kalahok ng programa.
Mga plano: malakihang cooking contest – feeding program, dagdag na community gardens
Layunin ng barangay na mapaunlad muna ang proyektong sabay na cooking contest and feeding program sa Putho Tuntungin bago ito i-propose na gawing ‘inter-barangay’. Ayon kay Kapitan Oñate, ang inisyatiba ay naglalayong magbigay ng mga livelihood opportunities sa mga taga-barangay.
Kasabay ng mga plano para sa programang “Star Si Baby”, isinasagawa na rin ang mga plano para sa pagtatayo ng mga community gardens sa Barangay. Ayon kay Cueto, kasalukuyang tinitingnan ang iba’t ibang purok ng barangay upang makahanap ng lugar para sa mga karagdagang organic community gardens. Layunin nito na mapalawak pa ang mga pagkukunan ng pagkain ng komunidad.
“Gusto ko sana na ma-establish with them na magkaroon ng ganon na specific area which is ‘yung community garden ‘yung pwede sila mainvolve kasi merong anim na purok diba, sana involved yung lahat ng purok so may mga individuals na pwede magrepresent ng per purok na sila ‘yung mag-me-maintain,” ayon kay Cueto.
Sa ngayon naman ay may dalawang community gardens na ang Tuntungin Putho na nasa loob ng sa Tuntungin Putho National High School at sa Gawad Kalinga (GK) village.
Ang susunod sa Star Si Baby feeding program and cooking contest ay magaganap sa Oktubre 27 sa Tutungin Putho Covered Court.