Fact-checking natutuhan ng kabataan ng Brgy. Tuntungin-Putho

Ulat ni Elyzha Eugenio
Mga litrato nina Nikole Kaye Battreal at Eunice Bianca Bonifacio

Fact-checking at Media and Information Literacy (MIL) ang naging mga isyung tinalakay sa isang panayam na nilahukan ng ilang kabataan ng Barangay Tuntungin-Putho na ginanap noong Disyembre 13, 2023 sa kanilang barangay hall.

Ayon sa Sangguniang Kabataan (SK) ng barangay ay ang nasabing mga isyu na nais nilang agarang maresolba sa kanilang komunidad.

Pinamagatang “Social ME-dia: Wastong Pag-uugali at Pagkilos sa Internet,” ang panayam ay may layuning palawakin ang kaalaman ng mga kabataan ukol sa tamang paggamit ng social media.

Mag-aaral ng Brgy. Tuntungin-Putho Integrated High School, mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK), at mga kinatawan ng youth organizations, kasama si Barangay Chairman Francisco Jr. O. Torres. Nilahukan din ang programa ni Konsehal Elenas S. Ramos.

Naimbitahang tagapagsalita si Miguel Victor T. Durian, isang mamamahayag mula sa Los Baños Times. Tinalakay niya ang kahalagahan ng fact-checking at ang kahalagahan ng pagiging maingat sa hindi pagkalat ng maling impormasyon sa social media.

Matapos ang lecture ay nagpalabas naman ng mga maikling pelikula ukol sa cyberbullying at personal na seguridad sa social media.

Ang programa ay inorganisa ng Interpersonal Communication in Development (DEVC 70) class, sa pamumuno ni Asst. Prof. Marifi T. Magsino mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) College of Development Communication (CDC).