Ulat ni Christine Joy Rosel
Sigarilyo ang pinaghihinalaang sanhi ng isang maliit na sunog galing sa bunton ng basura at mga tuyong dahon at kahoy malapit sa UPLB Institute of Biological Sciences (IBS) at Institute of Weed Science, Entomology, and Plant Pathology (IWEP) noong nagdaang Sabado, ika-2 ng Marso. Naging babala ito sapagkat ang apoy ay katabi lang ng isang de-kuryenteng transformer. Wala namang naitalang naapektuhan sa sunog.
Unang napansin ng isang rumorondang University Police Force (UPF) ang sunog pasadong alas-4 ng hapon. Agad itong pinagbigay-alam sa kanilang opisina upang maapula.
“Since hindi naman mainit doon sa area nung time na [napansin] namin ‘yung sunog, tingin namin it’s either may nagsindi or may nagtapon ng yosi,” saad ni SO1 Bolima, isang opisyal ng Security and Safety Office (SSO). Madalas daw na may nagyoyosi sa lugar ng insidente. Ngunit dahil lumakas na ang sunog, hindi na natukoy kung sa sigarilyo talaga ito nagmula sanhi ng pagkatunaw ng ebidensya dulot ng apoy
Ayon kay SO1 Bolima, posibleng makapagdulot ng sunog ang upos ng sigarilyo kung basta itong maitapon habang may baga pa. Nagkaroon na rin ng parehas na insidente sa Institute of Plant Breeding (IPB) noong 2007, kung saan sigarilyo rin ang naging sanhi.
“Dapat kasi hindi nag-iipon doon ng basura, ‘yung katulad… ng mga kahoy, pinagtabasan ng mga parang kisame yun—maninipis na plywood. Dapat po hindi talaga doon nakatambak ‘yun, especially nasa tabi talaga siya nung electrical box kung nakita niyo po ‘yung area. Sobrang delikado po n’on,” paalala ni SO1 Bolima upang maiwasan ang mga sunog sa loob ng campus. Payo rin nito na dapat may sariling tapunan ng mga nasabing basura na deretsong mapupulot ng University Planning and Maintenance Office upang maiwasan ang mga ganitong insidente.
Mga paraan upang matiyak ang kaligtasan sa mga insidente ng sunog
Upang matiyak ang kaligtasan sa mga insidente ng sunog, ang mga sumusunod na impormasyon ay ibinahagi ng Bureau of Fire Protection (BFP) – bilang gabay sa pagdiriwang ng taunang National Fire Prevention Month:
- Tanggalin sa saksakan ang lahat ng mga de-kuryenteng kagamitan kapag hindi ginagamit. Regular na suriin ang kondisyon ng mga ito.
- Kapag gumagamit ng gas sa pagluluto, regular na suriin kung may mga pagtagas ng gas. Lagi rin tiyakin na ang tangke ng LPG ay nakaimbak sa isang lugar na may maayos na bentilasyon upang hindi maipon ang singaw ng gas.
- Huwag manigarilyo sa loob o labas ng bahay. Durugin nang mabuti ang upos ng sigarilyo, at siguraduhing wala na itong baga bago ito itapon.
- Panatilihing nasa wastong lalagyan ang mga gamit sa bahay partikular na ang mga materyales na maaaring maging sanhi ng sunog, tulad ng kandila, lighter, at posporo.
- Magplano ng emergency at evacuation plan. Suriin ang fire extinguisher kung ito ay pressurized o refilled. Siguraduhing pamilyar sa mga ruta na puwedeng paglikasan.
- Sa insidente ng sunog, isara ang pinto ng nasusunog na lugar upang pigilan ang pagkalat ng apoy. Habang tumataas ang usok, manatili sa mababang lugar. Kumuha ng basang tela pantakip ng ilong at bibig para hindi mahirapan sa paghinga.
- Kapag nakulong sa lugar na may sunog, maghanap ng ibang daan palabas.
- Kung nasusunog ang mga damit, gawin ang “Stop, Drop, and Roll.” Huwag tumakbo o mag-panic, humiga sa sahig, at gumulong hanggang sa mapawi ang apoy.
- Sa sitwasyong ma-trap sa nasusunog na gusali, humingi ng tulong o kumaway ng tela sa labas ng bintana upang alertuhan ang mga tao sa paligid. Huwag kalilimutang maging kalmado.
- Tumawag sa 911, ang nationwide emergency hotline number, at sabihin kaagad sa emergency operator ng iyong lokasyon.
Mga lokal na emergency hotlines
Kung magkaroon ng insidente ng sunog, lubhang inirerekomenda na makipag-ugnayan kaagad sa mga sumusunod na lokal na emergency hotlines:
- BFP Los Baños
(049) 536 7965 | (049) 310 9572
0939-432-5837
- University Police Force (UPF)
0975-928-7880 | 0921-890-1259
- Batong Malake Fire Brigade
(049) 536 4349 | (049) 827 0579
- IRRI Emergency Brigade
444 | 316