Ulat ni Josiah David Marcelo
Nagtipon ang mga organic agriculture (OA) farmers at cooperative groups mula sa Laguna at mga karatig-probinsya noong Miyerkules, ika-6 ng Marso 2024, para sa ikalawang OA Fair sa UPLB. Ginanap ito sa Organic Agriculture Research, Development, and Extension Center (OARDEC) sa Agricultural Systems Institute, CAFS-UPLB sa Bay, Laguna.
Ang OA Fair ngayong taon ay tumatalakay sa tagumpay at mga suliraning kinakaharap ng mga OA practitioners mula sa pagtatanim hanggang sa paggawa at pagbebenta ng mga produkto.
Tulad noong nakaraang taon, ibinahagi sa publiko at mga panauhin ang mga produkto, teknolohiya, at research ng iba’t-ibang mga magsasaka at mananaliksik. “Natutunan namin […] na marami palang ginagawa on the ground, which is why it’s better to have another round of OA Fair,” paliwanag ni Dr. Leila D. Landicho, Coordinator ng Organic Agriculture Production – Agriculture Systems Institute (OAP-ASI), Co-Chair ng Interdisciplinary Studies Center on Organic Agriculture (IdSC-OA at tagapamahala ng fair ngayong taon. Bukod pa rito ay ipinasilip sa publiko sa unang pagkakataon ang pitong ektaryang taniman ng OARDEC.
Bukas buong araw ang booths ng mga magsasaka, kooperatiba, at mga farming technology company at research office na nagpakita ng kanilang mga produktong “tatak OA”.
Nagkaroon din ng tatlong plenary sessions sa buong fair. Una rito ang OA SA GALING: Voices from OA Advocates and Practitioners, na umikot sa kwento ng mga magsasaka sa pangunguna ni Alice Valdoria, Pangulo ng Samahan ng Magsasaka sa Tayabas sa Yamang Organiko (SAMATAYO).
Sinundan ito ni Cherrys Abrigo, founder ng SIERREZA, na nagkwento tungkol sa pagdadala ng mga OA products sa merkado, kabilang ang mga kinakaharap ng mga entrepreneur na isyu sa pagtanggap ng publiko sa presyo ng mga produktong OA.
Karugtong ng usaping ito ang mga hakbang na kailangang gawin ng mga magsasaka at tagapamahala para sila ay maging OA-certified farm sa ilalim ng Participatory Guarantee Systems na ibinahagi naman ni Suzette Sales,Chairperson ng SOIL-Agriculture Cooperative.
Sinundan ang programa ng dalawang cooking demonstrations ng mga gulay at produktong tatak-OA. Sa pagpapadaloy ni Dr. Leila S. Africa ng Institute of Human Nutrition and Food-College of Human Ecology (IHNF-CHE) at IdSC-OA, nakita ang dalawang pamamaraan ng pagluluto ng mga organic vegetables.
Pinangunahan ni Chef Von Ryan Ebron, Assistant Professor ng IHNF-CHE ang pagluluto ng Japanese Vegetable Kakiage, gamit ang ang talong, kamote, carrots, at kalabasa na galing sa Organic Agriculture Farm ng OARDEC. Ibinida rin ang toasted at crushed mung beans na isa sa mga ginamit na pampalasa ng lutuin. Ang demonstrasyon na ito ay hindi gumamit ng asin upang lumitaw ang natural na lasa ng organic vegetables. (TINGNAN: Ginawa ang Cooking Demo sa Main Tent ng OA Fair sa OARDEC-UPLB)
Ayon kay Consuelo Gomez, isa sa mga dumalo sa cooking demonstration, “heavenly” ang sarap ng pagkaluto ng kakiage. “Yung paghahanda niya, dadalhin ko sa bahay. […] It’s the first time I got to know [the] kakiage.”
Matapos ang isang maikling break ay nagpamalas din si Rommel Bailey mula sa Likhaya Products ng pagluluto ng organic tokwa.
Nagtapos ang programa sa pagbabahagi ng mga estudyante ng Los Baños Senior High School ng pagkakatatag ng kanilang Organic Agriculture Club. (KAUGNAY NA BALITA: High school students showcase organic agriculture org at OA Fair)
Tagumpay ng mga practitioners
Isa sa mga exhibitor ngayong taon si Carlyn Abellanidas, may-ari ng Carlyn’s Herb Garden at kasapi sa Sariaya Organic Producers Association. Isa siyang hobby gardener noong kalagitnaan ng pandemya. “Kailangan ko magsustain ng pagkain to survive, tapos healthy and safe para sa aking pamilya. […] As a single mom, nagkakaroon ako ng konting kita, tapos mayroon na rin kaming pagkain,” pagpapaliwanag niya.
Noong lumago na ang kanyang business, ito ang naging pangunahing pinagkukunan ng pantustos ng kanyang pamilya. “As a single mom, hindi ko na kailangang maging employed sa ibang business.” Bukod pa sa kanyang nababawing oras para sa pamilya ay nakapagbibigay din siya ng masustansya at environmentally friendly na produkto sa kanyang komunidad. Ibinahagi niya sa exhibit ang kanyang mga ipinagbibiling produkto.
Napukaw din ang interes ni Consuelo Gomez, isang certified bokashi organic farmer, ng OA fair ngayong taon. Para sa kanya, ito ay pagkakataon para mapalawig ang kanyang kaalaman tungkol sa organic agriculture. “I think this is the only institution sa loob ng University na may ganitong ino-offer na program,” ani Gomez.
Pagtibayin ang OA
Panawagan ng mga exhibitor na pagtibayin pa ang suporta sa organic agriculture, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi dahil sa mabuting epekto nito sa kalikasan. “Lumipat na lang po sila sa organic, kasi wala pong kemikal [na ginagamit,] at hindi lang po tayo nakakapagproduce ng organic na produkto, at [napapanatili] pa ang lupa na fertile,” ani John Peter Jadie, mag-aaral ng Bicol University at nago-on the job training sa isa sa mga organic farms na bahagi ng exhibition ngayong taon.
Dagdag pa rito ang panawagan sa publiko na tangkilikin ang produktong tatak-OA, dahil bukod pa sa pagsuporta sa mga magsasaka ay malaki din ang ambag nito sa pagsugpo sa epekto ng climate change at sa ikabubuti ng kalusugan ng bawat isa. Ayon kay Dr. Landicho, ang principle of health, care, ecology, at fairness ay bahagi ng isinusulong ng organic agriculture.
Ang Organic Agriculture Fair ngayong taon ay dinaluhan ng 27 Farmer’s Associations, 42 na Exhibitors, 376 na mag-aaral, at 88 na mga panauhin at mga indibidwal mula sa iba’t-ibang mga ahensya. Kabilang ito sa mga aktibidad ng selebrasyon ng 115th Foundation Week ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños.