‘Make It Makiling!’ Panahon ng Kuwaresma sa piling ng Makiling

Ulat nina Kristine Tada at Giane Tolorio

Opisyal nang magsisimula ang mga aktibidad ng Make It Makiling! (MIM) ng UPLB Makiling Center for Mountain Ecosystems (MCME), ngayong araw, ika-27 ng Marso, 2024. 

Ayon kay Ms. Ruffa Guab, overall coordinator ng MIM ngayong taon, bagamat nagsimula nang tumanggap ng mga bisita ang MIM noong ika-24 ng Marso, ngayon pa lamang ang simula ng kanilang opisyal na operasyon kasabay ng holiday ngayong Panahon ng Kuwaresma. Matatapos din ito sa Linggo, ika-31 ng Marso.

Panayam kasama si Ms. Ruffa Guab. Kuha ni Kristine Tada, 2024.

Ngayong MIM, papayagan ng MCME ang camping sa piling mga lugar sa Mt. Makiling, bilang dagdag sa mga karaniwang aktibidad na kanilang iniaalok sa mga bisita tulad ng hiking, trekking, at bird-watching

Isa sa maituturing na highlight ng MIM ngayong taon ay ang pagsasagawa ng geocaching. Ito ay isang “egg hunt” o “treasure hunting” activity na kinakailangan ng Global Positioning System o GPS. Noong nakaraang taon lamang nang sinimulan ng MCME ang aktibidad na ito.

Ang MIM, dating Oplan Makiling, ay ginaganap taon-taon sa tuwing Panahon ng Kuwaresma bilang parte ng Lenten Season Visitor Management ng MCME. Ito ay isinasagawa rin bilang parte ng pagdiriwang ng World Forest Day, na ginaganap naman tuwing ika-21 ng Marso.

Ang mga gustong bumisita ay pwedeng magparehistro online o onsite at lumahok sa briefing at orientation.

Mapa ng mga stations para sa MIM. Ang unang station ay matatagpuan bago ang MCME Building. Kuha ni Giane Tolorio, 2024.

Hinihikayat ng mga miyembro ng MCME ang mga panauhin na pumunta sa Mt. Makiling upang siyasatin at makihalubilo sa kalikasan. Paanyaya ni Guab, “We encourage everyone na pumunta sa Mt. Makiling. Explore nature, explore our Mt. Makiling.”

Kasabay din dito ang kanilang panawagan para sa mga bibisita na manatiling maging mga responsable at protektahan ang sarili at ang kapaligiran sapagkat ito ay inilunsad bilang isang recreational na aktibidad na naghihikayat sa mga tao na pahalagahan ang kalikasan.

“Kung pupunta, sana i-prioritize yung protection and proper protocol during [their stay throughout] the week at Makiling,” dagdag pa niya. 

Para sa karagdagang impormasyon ukol dito, maaaring bisitahin ang official website ng MIM (https://mim.makiling.center/index.html) o ang official Facebook page ng MCME (https://www.facebook.com/makilingcenter).