TRANSPORT STRIKES NOON AT NGAYON: Ano at para saan?

Likha nina: Mary Antonie Joan Alberto at Angelo James Fababeir

Sa mga nakaraang taon ay kabi-kabilang transport strike at tigil pasada ang ikinasa ng mga grupong pang-transportasyon. Kung babalikan natin tatlong dekada mula ngayon, baon din ng ating mga tsuper at operator ng dyip ang samu’t saring mga panawagan sa pamahalaan. Ano nga ba ang mga ito? Ating alamin ang kanilang mga konteksto sa Timog Katagalugan, partikular sa probinsya ng Laguna.

Mula sa mga naitala ng LB Times at iba pang pahayagan mula noong 1994 hanggang sa kasalukuyan, ating balikan ang ilan sa mga jeepney strike na umarangkada sa Laguna. Pangunahin sa mga dahilan ng mga strike na ito ay ang mga naging oil price rollback at ang kasalukuyang isyu sa PUV Modernization Program.

Isa sa mga unang naitala ng LB Times ang kilos protesta na naganap noong Pebrero 9, 1994 na naghahangad ng permanenteng pagbaba ng presyo ng langis at mga primary commodities, bilang pakikiisa na rin sa National Protest Day. Dulot ito ng desisyon ng Malacañang na magsagawa ng temporary rollback sa presyo ng langis. Bitbit ng mga kasama sa kilos protestang ito ang panawagan sa isang permanenteng rollback sa presyo ng langis at iba pang primary commodities. Kasama ang Bagong Alyansang Makabayan-Timog Katagalugan (BAYAN-TK) at mga organisasyon ng mga estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) sa mga nag-ingay hawak ang kanilang mga banner sa Calamba. Hindi rin pumasada ang mga dyip sa Los Baños paloob at palabas ng UPLB, kaya’t kinailangang maglakad ng mga estudyante palabas ng unibersidad. Bilang pakikiisa, tiniis ng mga estudyante ang paglalakad sa ilalim ng init ng araw sa kahabaan ng Grove at Lopez Ave.

Presyo ng langis ang hinaing ng mga tsuper at operator ng dyip noong 2004. Noong Marso 1, isang malawakang strike ang pinangunahan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) upang kalampagin ang Malacañang sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at walang pagbabago sa presyo ng pamasahe. Kasama sa apektadong komyuter ang mga taga-Laguna, partikular na sa Calamba, kung saan mahigit-kumulang 10,000 na mga tsuper at operator ang sumama sa tigil pasada na naka-apekto sa 90% ng transportasyon sa Calamba. May mga bumuo rin ng human barricade sa mga bayan ng Calauan, San Pablo, at San Pedro upang magsilbing harang sa mga tsuper na nais pa ring pumasada.

Dulot pa rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at walang pagbabago sa kita ng mga tsuper, ang mga progresibong grupong pang-transportasyon ay naglunsad noong Hulyo 20, 2011 ng magkakasabay na malawakang strike at kilos-protesta sa buong CALABARZON, partikular na sa mga pangunahing ruta ng jeep sa Laguna. Ayon sa mga transport group, tumaas ng dalawampung beses presyo ng langis sa merkado na nagdudulot ng matinding pagbaba sa kanilang buwanang kita. Sa Laguna, 80% ng terminal ng Balibago, Sta. Rosa ay naapektuhan samantalang 60-70% naman sa Crossing Calamba. Sa trapiko sa mga pangunahing highway, sinabi ng BAYAN-ST na naparalisa ng 100% ang ruta mula San Pedro hanggang Calamba, at 85% naman mula Calamba patungong Los Baños, Sta. Cruz, at San Pablo.

Sa taong 2017, naging mainit ang usapin sa plano ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at ng Land Transportation and Regulatory Franchising Board (LTFRB) na i-phaseout ang mga dyip na mahigit na sa 15 na taon. Dahil dito, nagkaroon ng sunud-sunod na protesta ang mga progresibong grupo ng mga tsuper at opereytor sa iba’t ibang parte ng bansa. Sa Laguna, ang mga strike noong Pebrero at Oktubre ang mga masasabing matinding nakaapekto sa sektor ng transportasyon. Noong ika-anim ng Pebrero, isang nationwide transport strike ang pinangunahan ng Stop and Go Transport Group Coalition upang mariing tanggihan ang plano ng DOTC at LTFRB. May iilang mga lungsod at bayan na suspendido ang mga klase dahil walang masakyan. Ilang araw matapos ang strike na ito, nagkaroon muli ng isa pang malawakang tigil pasada noong Pebrero 27 kaugnay ang isyung ito. Mariing tumanggi sa pagpasada ang mga dyip na nakaparada sa Biñan, Sta. Rosa, at Calamba. Paralisado rin ang sektor ng transportasyon sa Biñan at San Pedro. Bukod dito, suspendido ang mga klase sa buong lalawigan ng San Pablo at Cabuyao.

Ang strike naman na inilunsad ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization (STARTER-PISTON) sa Timog Katagalugan noong Oktubre 16 ay isang inisyatibong nagpapahayag ng mariing pagtutol ng mga drayber at opereytor ng dyip sa Jeepney Modernization Program ng LTFRB. Naganap ang mga mobilisasyon na ito sa iilang pangunahing ruta ng dyip sa Laguna: Balibago, Sta. Rosa; Pulo, Cabuyao, at sa Crossing, Calamba. Nakiisa rin ang mga mag-aaral ng UPLB at naglunsad ng isang strike sa LB Junction.

Noong 2019, kabilang pa rin ang mga tsuper sa Laguna sa mga nakiisa sa malawakang transport strike noong Setyembre na nakaapekto sa trapiko ng mga pangunahing siyudad at bayan ng probinsya. Dalawang taon matapos mailabas ang DO 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines ng Department of Transportation (DOT) noong 2017, baon pa rin ng mga grupong pang-transportasyon ang panawagang ibasura ang PUV Modernization Program ng pamahalaan.

Sa nalalapit na deadline ng franchise consolidation at nakaambang phase-out ng mga pampublikong jeepney, isa sa mga tumatak sa taong 2023 ang patuloy na pakikibaka ng iba’t ibang grupong pang-transportasyon para sa pagtutol sa PUV Modernization Program ng DOT at LTFRB. Sa mga buwan ng Marso, Oktubre, Nobyembre, at Disyembre, sari-saring transport strike ang ikinasa hindi lamang sa kalakhang Maynila kundi sa Timog Katagalugan, partikular sa Laguna. Sa Laguna, pinakatumatak ang mga transport strike na ikinasa ng MANIBELA at STARTER-PISTON noong Marso at Disyembre. Noong Marso, sa bisa ng Executive Order 02-2023 ay nagdeklara si Governor Ramil Hernandez ng kanselasyon ng lahat ng face-to-face na pasok sa lahat ng paaralan sa Laguna dahil sa nakaambang na tigil pasada. Walumpu hanggang siyamnapung porsyento ng trapiko ang naapektuhan sa mga pangunahing lungsod at bayan ng Laguna ayon sa ulat ng PISTON. Maging ang ruta ng Crossing-UP College ay naapektuhan.

Noong Disyembre, pinangunahang muli ng STARTER-PISTON ang kanilang caravan mula Biñan hanggang Calamba Crossing upang hikayatin mga tsuper na makiisa sa tigil-pasada bilang pagtutol sa franchise consolidation deadline ng LTFRB na nakatalaga sa Disyembre 31. Binisita rin ng grupo ang kahabaan ng Lopez Ave. papasok ng UPLB upang hikayatin ang mga mag-aaral ng UPLB na patuloy na suportahan ang laban kontra sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.

Ang mga dyip ay hindi lamang sasakyan ng milyon-milyong Pilipino araw-araw, simbolo rin sila ng makulay na kultura ng bansang Pilipinas. Ngayong taon man, o sa nagdaang tatlong dekada, baon ng ating mga tsuper at operator ng dyip ang marubdob na hangarin ng sama-samang kaunlaran. Sa usapin man ng oil price hike o sa modernization program, ang kanilang panawagan ay ang suporta ng bayan sa mga hari ng kalsada–ang mga bayani ng pampublikong transportasyon.