Ulat nina Aron C. Perales at Jerome P. Atangan
Mga kuhang larawan ni Marius Cristan Pader
Bilang bahagi ng Earth Day 2024, nagsagawa ang Kalikasan Timog Katagalugan (KALIKASAN-TK), kasama ang mga lider-estudyante ng kilos protesta ngayong ika-22 ng Abril 2024.
Humanay ang mga miyembro ng bawat organisasyon at sangkaestudyantehan sa Carabao Park (CPark) dala ang kanilang panawagang pagkundena sa Charter Change (Cha-Cha) at pagpapatigil sa kasisimula pa lamang na Balikatan Exercises ngayong araw na lubhang nakakaapekto sa pangangalaga ng kalikasan sa ating bansa
Isang Earth Day Forum din ang pinangunahan ng pangkat bago dumako sa kilos protesta kung saan naging sentro ng talakayan ang usaping pag-atake sa katutubong Pilipino at mga environment defenders, climate change, development aggression at ang umiigting na girian sa West Philippine Sea.
“Parte kasi ng kalikasan ang mga mamamayan, kaya kung tatanggalin natin ang mga mamamayan sa usapin ng kalikasan, tinatanggalan na rin natin ang ating mga sarili ng tahanan sa susunod pang henerasyon,” wika ni Perry Ansaldo ng KALIKASAN TK sa naging pagkilos.