LWD: Pump station sa Putho-Tuntungin, bubuksan na sa Hulyo 15; LARC, papatawan ng multa

Nangako ang Laguna Water District (LWD) na matatapos ang ginagawang pump station sa Putho-Tuntungin pagsapit ng ika-15 ng Hulyo 2024, upang magbigay ng tubig sa naturang lugar. Ito ang pahayag ni LWD General Manager Jesus Miguel V. Bunyi sa kanilang pakikipag-pulong sa lokal na pamahalaan ng Los Baños noong ika-6 ng Hunyo.

“By July 15, tapos na po ang ating pump station doon (Putho-Tuntungin),” sabi ni Bunyi. Ang bagong pump ay may kapasidad na 3 million liters per day (MLD), doble sa kasalukuyang requirement na 1.5 MLD sa lugar. “So pag naging operational na po (ang bagong pump) by July 15, it will solve yung supply problem natin doon sa Putho-Tuntungin area,” paliwanag ni Bunyi sa isang panayam pagkatapos ng pagpupulong.

Pinasinayaan ng LARC kasama si LB Mayor Anthony Genuino ang bagong pagkukunan ng tubig sa L. A. Village, Barangay Tuntungin Putho noong Enero 4, 2024. Larawan mula sa LARC.

Sa kasalukuyan, ang Brgy. Putho-Tuntungin, kasama ang buong bayan ng Bay at tatlong barangay sa Calauan, ay kumukuha ng tubig sa Jubileeville Pump Station, na makailang-beses nang nasisira. Ayon sa reklamong ipinadala ng Jubileeville Homeowners Association (JHA) sa Laguna Water District Aquatech Resources Corporation (LARC) noong ika-23 ng Hunyo 2023, naniniwala ang JHA na sobra sa kakayahan ng pump ang kinukuhang tubig dito. 

“We strongly believe that LARC has stretched the water supply connections to several barangays which have seen very high residential and commercial growth over the past 5-10 years. The Jubileeville well was developed 35 years ago and was designed exclusively to serve our subdivision. The recent unexplained collapse and even poorer quality is enough proof that LARC has illegally strained and is overdrawing water beyond the well’s intended capacity,” saad sa reklamo ng JHA. 

Bilang pangmatagalang solusyon, sinabi ni Bunyi na gagawa ng sampung pump stations ang LWD sa susunod na limang taon. Ito ay inaasahang makadagdag sa kapasidad ng ahensya na magbigay ng tubig, alinsunod sa tumataas na demand sa service area nito.

Samantala, bilang tugon sa reklamo ng mga konsyumer na nagbabayad kahit mahina o walang suplay ng tubig, papatawan ng multang Php14.4 milyon ang LARC, na ibibigay bilang rebates, o diskwento sa singilin sa mga konsyumer. “Last May 28, nag-issue po ang aming ahensya ng penalties sa kanilang non-obligations. Ito po ay nagkakahalaga ng 14.4 million (pesos),” sabi ni Bunyi. Ayon sa kanya, maaaring maipatupad ang mga rebates sa Septyembre.

Bukod pa sa Php14.4 milyong multa, sususpendihin na rin ang “automatic” na paniningil ng Php215, o katumbas ng 10 cubic meters sa mga konsyumer, kahit mas mababa dito ang totoong nakonsumo nila. “Kasi it’s very unfair para sa ating mga consumers na patuloy na nagbabayad ng minimum consumption na wala naman silang natatanggap,” sabi ni Bunyi. Pag-uusapan din ng LWD at LARC ang pagpapataw ng multa para sa late payment, pagpuputol ng supply ng tubig, at iba pang penalties na isinasagawa ng LARC, lalo na sa mga lugar na nagkaka-problema sa suplay ng tubig.

Taong 2021 nang magsimulang maglabasan ang mga hinaing ng maraming konsyumer ng LARC tungkol sa mahinang suplay at mababang kalidad ng tubig. Noong Nobyembre 2022, nakipagpulong ang LARC kay Likha Cuevas, isang concerned citizen na pormal na naghain ng reklamo sa tanggapan ng nasabing water provider pati na rin sa LWD), National Water Resources Board (NWRB), at Local Water Utilities Administration (LWUA). Nitong ika-1 ng Hunyo, naghain ng isang online petition ang mga residente ng Los Banos, Bay, at Calauan laban sa LARC. Gumawa na rin ng mga hakbang ang mga pamahalaang bayan ng Bay at Los Baños upang imbestigahan at matugunan ang mga isyu at problema na hinaharap ng mga mamamayan nito patungkol sa serbisyo ng LARC.

Kahapon, naglabas ng opisyal na pahayag ang Manila Water Philippine Ventures hinggil sa mga isyu sa suplay ng tubig ng LARC, kung saan sinabing magtatalaga ng bagong management team sa LARC sa susunod na mga buwan.

Nakatakdang magbigay ng panayam ang pamunuan ng LARC sa DZLB News at LB Times sa susunod na linggo.